Feeling ‘somebody’, nakarma tuloy

HALOS 10 taon na sa Amerika si Eileen.

Sa kanyang kwento sa Bantay OCW, hiling niya na itago ang kanyang pagkakakilanlan.

Anya, hirap na hirap na siya sa kanyang buhay sa Amerika ngunit ayaw naman niyang umuwi dito sa Pilipinas.
Nakapangasawa si Eileen at nanirahan na sa Amerika. Dati, taun-taon siya kung umuwi ng bansa, ngunit makalipas ang limang taon, hindi na naging regular ang pag-uwi niya rito.

Ang buong akala ng kaniyang pamilya at mga kababaryo sa kanilang probinsiya dahil

ipinagkalat niyang nakapangasawa siya ng isang matandang napakayaman. Pero hindi naman totoo iyon.

Gawa-gawa lang niya anya ang kwento dahil nais niyang maiba ang tingin sa kanya ng mga kamag-anak at kababaryo.

Sa unang limang taon, naging maayos naman ang kanilang pagsasama. Ngunit pagpasok ng ika-anim na taon, diniborsiyo siya ng kaniyang asawa at ipinagpalit sa mas batang babae.

Dahil doon, nagsimula siyang mamuhay ng solo, hanggang makatagpo ng bagong asawa.

Pinakasalan naman siya ngunit mas madalas pa ‘anyang umuwi ito sa mga babae niya kaysa sa kaniya. Kaya si Eileen na mismo ang humiling na idiborsiyo siya ng pangalawang asawa.

Gayong nakauwi pa siya nitong nakalipas na limang taon, sariling sikap na ‘anya ang lahat ng iyon pati mga pera at materyal na mga bagay na ipinadadala niya sa kaniyang pamilya.

Walang kaalam-alam ang pamilya na masakit at mahirap na ang kanyang dinadanas na buhay sa Amerika.

Sa unang asawa, palaging pera anya ang kanilang pinag-aawayan dahil sa pagpapadala niya ng pera sa Pilipinas.

Hindi raw maintindihan ng asawa bakit kailangan niyang magbigay ng pera. Nagawa pa nga raw niyang nakawan ang sariling asawa upang mapagbigyan lamang ang napakarami at walang katapusang paghingi ng mga kamag-anak.

Ngunit sa pangalawang asawa, halos paghirapan niya maging ang pang-araw-araw nilang kakainin. Siya kasi ang halos bumuhay dito. Natutong mag-waitress si Eileen at magtinda ng kahit ano upang may pagkakitaan lamang.

Palibhasa’y wala naman siyang nababanggit sa pamilya, kung kaya’t patuloy pa rin ang hingi sa kaniya. Masaklap, lalo pang lumaki ang hinihingi sa kanya ng mga kaanak.

Kaya naman todo-kayod si Eileen. Hindi na para sa sarili kundi para sa mga kapamilya sa Pilipinas.

Hirap na hirap na anya siya pero wala siyang magawa kundi tuparin ang mga hiling sa kanya ng mga kaanak para lang manatili ang mataas na tingin sa kanya ng mga ito.

Hindi matanggap ni Eileen ang katotohanan. At hindi rin niya alam kung paano masasabi ang katotohanan, dahil somebody ‘anya siya sa kanilang probinsiya.

Hindi rin niya matatanggap na ang dating halos luhuran ng mga kabarangay, ngayon nanlilimahid na at walang-wala na.

Nasabi na lamang natin kay Eileen na mas madali ang umamin at tanggapin ang katotohanan kaysa mabuhay sa pagkukunwari at pagpapapanggap. Hindi naman maaaring hindi siya matanggap ng mga kapamilya kung iyon naman talaga na ang tunay niyang kalagayan ngayon. Hindi mababawasan ang kaniyang pagkatao kung babawasan lamang niya ang patuloy na pag-iilusyon sa pag-aakalang somebody pa rin siya!

Read more...