TURAN na ni Father Luciano F (ang tawag sa kanya sa Our Lady of Lourdes Parish sa Camarin, Caloocan City) ang problema kung bakit sa lahat ng sulok ng bansa ay may mahihirap, napakaraming mahihirap. Ang problema ay mga politiko ng dilaw na administrasyon.
Si Fr. Luciano Fellioni, ay Argentinian at siya’y madalas mangumpisal noon kay Father Jorge Mario Bergoglio, na naging obispo at cardinal ng Buenos Aires, ang kabisera ng kanyang bansang sinilangan. Mas magaling managalog si FLF kesa karaniwang Pinoy na pari; at kesa isang bishop emeritus, na kailangang uminom ng matapang na barakong kape para di antukin ang mga nakikinig sa kanyang sermon.
Kabilang si Father Luciano sa Diocese of Novaliches, na ang pinuno ay si Bishop Antonio Tobias. Handang-handa na ang Diocese na iprisinta sa Santo Papa ang pinakamahirap na pamilya, na natunton sa Phase 8-B, Bagong Silang, Caloocan, ang katabing arabal ni Father Luciano (payak pero malinis ang parokya ni Father Luciano at di nga nila kayang bumili ng organ at ang mga awit sa misa ay sinasaliwan lamang ng lumang gitara na tila di na maitono nang wasto dahil sa kalumaan).
Ang pamilyang ito, ama, ina’t mga anak, ay halos libutin ang Phase 8-A, Phase 1, Phase 5, Phase 3 at minsan ay nakararating sa Camarin Area A, B, C, at D para mamulot ng mapakikinabangan at maibebenta, o kundi’y mangalkal ng basura. Toka-toka sila at ginagawa nila ang pamumulot at pangangalkal ng halos 24 oras para lamang may makain.
Hindi sila tinutulungan ng dating mayor na malapit sa anak nina Ninoy at Cory. Hindi rin sila tinulungan ng kasalukuyang mayor, na ang slogan ay “UNA ang Tao.”
Tulad ng mga napiling pamilya sa Palo at Tacloban, Leyte, ang pamilya sa Caloocan ay nakatira sa pusali, kasama ang mga daga; walang kuryente, tubig at palikuran. Ganyan din ang pamilya Mendoza, na binisita noon ni Pope Paul VI sa Tondo, Maynila, na ang bahay ay mararating lamang sa pagtulay at paghakbang sa idinugtong na lumang mga table, dahil ang ilalim nito ay putikan at tubigan.
Ang piniling mahihirap na pamilya ng Diocese of Palo, Tacloban at Novaliches ay walang biyaya ng Conditional Cash Transfer ng DSWD (puwede ba, huwag naman ninyong tawaging Dinky Soliman Walang Dangal ang DSWD).
Ang DSWD ay para sa mahihirap pero iba ang mahihirap na kanilang tinitingnan at tinititigan. Ang DSWD ay bulag dahil wala silang tunay na mahihirap na maiprisinta.
Si Estefania Aldaba Lim ay may tunay na mahihirap na naiprisinta noon kay Ferdinand Marcos. Pinag-aral pa ng gobyerno ang mga anak ng mahihirap na ito. Si Corazon Soliman ay walang tunay na mahirap na maiprisinta.
Nakabubulag at nahahawa ng sakit sa limot ang mga miyembro ng Gabinete ni Aquino, na nakahiga sa pera ng arawang obrero, ng taumbayan. Tama ang patutsada noon ni Aquino na kung walang korap, walang mahirap. Tama ka na.
Sa unang ratsada ng mapaghiganting administrasyon ay binanatan agad nito ang mga pari’t obispong may magagarang sasakyan, tulad ng Pajero. Wala silang naiprisintang obispo na nakasakay sa Pajero.
Isinumbat ng isang opisyal ng gobyerno ang ibinigay na 4×4 pickup truck. Segunda mano pala ito nang ibigay sa isang pari at ito’y agad na isinoli ng alagad ng simbahan. Parang children ang gobyerno, isinumbat ang ibinigay na jolens.
Hindi lahat ng simbahan, ng parokya, ay gawa sa bato. Nitong unang linggo ng Enero, ang kura paroko ng simbahan sa island-barangay sa Taytay, Palawan ay nanghingi ng pera sa mga pilgrims ng National Shrine of the Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan. Ang simbahan at parokya ng pari ay pinagtahi-tahing pawid at dahon ng niyog.
Isang pari sa Diocese of Malolos ang nagmamaneho ng bagong Modulo CRV, mahal at magandang sasakyan.
Ito’y regalo ng kanyang mayamang pamilya, na karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa Estados Unidos.
At dahil nanawagan si Obispo Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan at pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na huwag gumamit ng magagarang sasakyan, ibinalot na lang ng car cover ang CRV sa garahe ng parokya at ang ginagamit ng pari ay ang service na lumang L300 FB.
Magara rin naman ang sasakyan ni Villegas nang makabundol sila ng tao sa Bataan. Namatay ang nabundol nila.
Meron akong kamag-anak na matagal na naging kura-paroko ng Santuario de San Antonio sa Forbes Park, ang pinakamayamang parokya sa bansa. Pero, hindi maipaayos at babagsak na ang bahay ni Father Rosales sa Makati, na nabili ng kanyang pamilya noon pang Dekada 50.
Bagaman araw-araw ay kasalamuha niya ang mga bilyonaryo sa Makati, iniimbitahan para mananghalian o maghapunan sa magagarang bahay ng mga ito, pinili niya ang payak na personal na pamumuhay. Tulad ng madalas banggitin sa pagninilay sa Ebanghelyo, ang kayamanan ay hindi nadadala sa hukay.
Lingid sa kaalaman ng lahat, maraming mahihirap ang tinutulunganng simbahan, tulad ng ahensiya ng Caritas Manila, pero hindi ito ibinabalita.
Tulad ng regular na pagpapakain sa mahihirap sa parokya ng Nuestra Senora Desamparados sa Santa Ana, Maynila, ito’y hindi nila ipinagyayabang.
Sa mayayamang bansa, nagtutulungan ang Estado, simbahan at civil society para maitawid man lang ang mahihirap sa kanilang pangangailangan, lalo na sa pagkain at tirahan. Kailanman, hindi ito magaganap sa administrasyong dilaw dahil sa unang ratsada pa lamang ay ginantihan na nito ang simbahan.
Noong ang dilaw ay nasa oposisyon pa lamang, banat sila nang banat kay Gloria Arroyo kapag tumataas ang presyo ng gasolina’t krudo. Ngayon, itinaas mismo nila ang pasahe sa MRT at LRT, gayung pababa naman ang presyo ng gasolina’t krudo.
MULA sa bayan (0906-5709843): Nawawala na naman ang bigas NFA dito sa Pritil, Tondo. Hindi na namin kayang bumili ng bigas na P45 ang halaga bawat kilo. …2789
Bakit hindi pa sinisimulan ang pagkukumpuni sa Marilao-San Jose Road (Bulacan)? Ang sabi ng provincial engineer’s office ay aayusin na ito pagkatapos ng holidays. Nasisira na ang molye ng mga tricycle at jeep. …8764
Tabang. Tulungan po ninyo kami. Inilugmok na kami ng bagyong Seniang dito sa Catbalogan. Walang tulong ang gobyerno. Nakalimutan na kami. …9031