Hmmmm, siguro nga ay nakita nina Sen. Chiz Escudero at Heart Evangelista ang epekto ng labis-labis na publicity sa kasalang Dingdong Dantes at Marian Rivera, lalo na sa usaping pera.
Imbes kasing makakuha ng mas positibong reaksyon ang naturang grand and momentous event ay sa isyu ng pagiging insensitive sa kahirapan ng mga Pinoy nauwi ang komento ng mga netizen.
Pati tuloy ang box-office returns ng “Kubot” ni Dingdong ay nadamay pa sa usapin, lalo pa nga’t hati rin ang mga review sa pelikula.
May mga malulupit na netizens na nagsasabing wala silang planong mag-contribute sa ginastos ni papa Dong sa pagpo-produce ng MMFF entry nila, kaya’t huwag daw babawiin sa pera nila ang sinasabing milyon-milyon nitong nagastos via his produced-starred movie.
Kaya wonder not mga ka-BANDERA kung biglang may mga isyung naglalabasan tungkol sa pagtitipid nina Heart at Chiz sa kanilang wedding sa darating na Feb. 15.
Not that they do not have the same capacity (or baka mas higit pa nga ang kakayahan nilang gumastos) as Marian and Dingdong have, pero bilang public servant na rin siguro ay iwas-pusoy na rin si Sen. Chiz sa mga negang publicities lalo pa’t alam naman ng buong bayan na may balak pa siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa darating na mga panahon.
Baka nga naman bigla pang masira ang image ni Sen. Chiz bilang politician dahil sa paggastos nang labis-labis para sa kasal nila ng Kapuso actress.
Tama lang naman ang naging desisyon nina Heart at Chiz na huwag nang gumastos nang napakalaki para sa kanilang kasal, at huwag na ngang makipagkumpetensiya kina Marian at Dingdong.
Mas mahalaga pa rin naman ang matatag na samahan at pagmamahalan ng ikakasal kesa sa ibandera sa madlang pipol ang kakayahan nilang magpakasal nang bonggang-bongga.