LIMAMPUT anim na insidente ng stray bullets at “indiscriminate firing” ang naitala nitong nakaraang pagsalubong ng bagong taon ng PNP, halos doble sa 30 insidente na naitala noong 2014.
Isang 11-anyos na Grade 4 pupil na si Jercy Decym Buenafe Tabaday ng Tayum, Abra ang namatay matapos tamaan sa bungo ng balang galing sa kalibre 45.
Hindi pa rin matukoy kung sino ang salarin sa kanyang kaso.
Isa pang 13-anyos na batang babae na kapitbahay ni Stephanie Nicole Ella sa Caloocan ang tinamaan din ng ligaw na bala sa ulo at matapos maging kritikal ang kundisyon, nagpapagaling na siya ngayon sa East Avenue Medical Center.
Si Ella ay nasawi noong pagsalubong sa 2014 dahil din sa ligaw na bala. Hindi pa rin natutukoy at nahuhuli ang salarin na pumatay sa bata.
Isang buntis na nakilala namang si Maricel Luna ng San Jose, Batangas at 7-years old na si Isaac Ruda ang sugatan nang mamaril ang jail guard na si Mario Cortes.
Meron pang kumalat na video at mga photos sa social media ng mga binatilong nagpapaputok ng ibat ibang dekalibreng baril na parang tuwang tuwa pa ang mga loko.
Batay sa huling impormasyon, merong apat na pulis, isang sundalo ng Philippine Army, apat na security guards at tatlong sibilyan ang inaresto sa ibat ibang lugar sa bansa dahil nahuli sa aktong pagpapaputok ng kanilang mga baril.
Sa tingin ko, dapat
isapubliko ang mga mukha nitong 12 stray bullet shooters na ito sa dyaryo, telebisyon at sa social media para magsilbing leksyon sa mga katulad nila.
Mukhang hindi natatakot ang mga namamaril na ito lalo’t alam nilang hirap na hirap ang otoridad na sila’y matukoy at mahagilap.
Tingnan ninyo ang nangyari sa kaso ni Ella. Walang nahuli. Boom panes, waley sabi nga!
Kaya nga, PNP Deputy Director General Leonardo Espina, paki-labas na ang record kasama ang “litrato” nitong 12 arestado sa stray bullets nang magkaalaman na. At hulihin din ninyo agad agad iyong mga binatilyong namaril noong Bagong Taon na nag-viral pa sa social media.