Kasal nina Heart at Chiz tinitipid; pati mga gagamiting bulaklak tinawaran

chiz escudero
PASABOG na tanong ng madlang pipol: Mahigitan kaya ng kasal nina Sen. Chiz Escudero at Heart Evangelista ang engrandeng wedding nina Marian Rivera at Dingdong Dantes?

‘Yan naman ang inaabangan ngayon ng sambayanang Pinoy – ang magaganap na pag-iisang dibdib nina Heart at Chiz sa darating na Feb. 15 sa Balesin Island.

Hindi maiiwasan na pagkumparahin ang dalawang kasalan, lalo pa’t hanggang ngayon ay hindi pa rin in good terms sina Marian at Heart.

Halos magkasunod lang na nag-announce ng kanilang kasal sina Marian at Heart last year, in fact, lagi silang pinagkukumpara bilang bride.

Natsismis pa nga na nagkakainggitan ang dalawang Kapuso actress dahil sa pang-iintriga sa kanila ng netizens. At ngayong tapos na ang Dong-Yan wedding na hindi lang dito sa Pilipinas pinag-usapan, kundi maging sa ibang bansa, ang susunod na aabangan naman ay ang Heart-Chiz nuptials.

Balitang mismong si Chiz ang naghahanda para sa kasal nila ni Heart, pati nga raw ang pagbili ng bulaklak na gagamitin sa seremonya at sa reception ay ang senador ang nag-aasikaso.

Nabasa namin sa isang interview na kung may bagong nadiskubre si Heart sa kanyang future husband, yan ay walang iba kundi ang pagiging wais nito sa pera. Na-shock nga raw ang aktres sa pagiging matipid ng senador.

At iyan daw ang isa sa mga natutunan niya kay Chiz – ang pagiging masinop sa pera, “Siyempre ano din ako, parang sanay din ako na bibili ako ng ganyan na parang hindi ko titingnan yung presyo.

Pero siya talaga, talagang nakikipag-away siya. Nakakatawa siya actually. Parang siya yung babae. Sobrang matipid siya sa pera, nakakatawa.”

Pati nga raw mga bulaklak na gagamitin sa kanilang kasal ay tinawaran din ng senador kaya maaari na raw itong bigyan ng titulong tawad king.

Ang ending, nagdesisyon sila na ang mga bulaklak na gagamitin sa mismong kasal ay itatago na lang at ilalagay sa freezer para yun na rin ang gagamitin sa reception na magaganap naman sa Maynila.

Sabi pa ni Heart sa nasabing interview, “Unang-una sa lahat yung mga gastos na ganyan na parang akala ko dati trabaho lang nang trabaho na parang walang katapusan.

Pero ngayon pala, kailangan mag-ipon ka na talaga, kasi magkakaanak ka, yung maging practical ka.”  Dalawa naman ang isusuot ni Heart sa wedding, ang isa ay magmumula sa runway collection ni Monique Lhuillier, ipina-alter na lang daw ito para sa kanya.

Ito ang gagamitin niya sa reception sa Manila. At ikalawa ay ang wedding gown na isusuot niya sa wedding ceremony sa Balesin na ginawa pa ng sikat na designer na si Ezra na naka-base sa Dubai.

Samantala, pumayag na rin si Heart na magkaroon sila ng prenuptial agreement nila ni Sen. Chiz na siyang hiling din ng kanyang mga magulang.

Ayon sa aktres, ito rin daw ang gusto ni Chiz para hindi na mag-alala ang mga magulang ni Heart. Ayaw din daw ng Kapuso actress na pag-awayan pa ang pera, “So we could all just live according to love,” hirit pa ng future Mrs. Chiz Escudero.

Read more...