Miyerkules nang hapon, sa Amana Water Park sa Pandi, Bulacan, kahit saan ka bumaling ay pinagpipistahan ng mga kolumnistang inimbitahan ni Mayor Enrico Roque du’n ang pagdedesisyong sampahan na ng demanda ni Ara Mina ang nakababata niyang kapatid na si Cristine Reyes.
Ang mga kaso—libelo at grave coercion.
Hindi na kinaya pa ni Ara ang mga bastos na mensaheng ipinadadala sa kanya ni Cristine, sobra ang pangmamaliit nito sa kanyang pagkatao, tinawag pa siyang pokpok, boba, walang kuwentang anak, kapatid at kaibigan ni Cristine.
Nu’ng basahin namin ang mga text messages na ipinadala ni Cristine sa kanyang ate ay napatulala kami, hindi kami makapaniwala na umabot na pala sa sukdulan ang pambabastos ni Cristine sa kanyang ate, kahit siguro asong gutom ay hindi makakayang sikmurain ang mga salitang ipinakain nito kay Ara Mina.Nagsimula ang kanilang gusot sa pagkuha nila ng isang condo unit para sa kanilang ina.
Si Cristine ang sumagot sa isang milyong paunang bayad at si Ara naman ang buwan-buwang naghulog na natapos na nu’ng nakaraang taon pa.
Isang araw ay biglang sinisingil na ni Cristine si Ara, may utang daw ang aktres sa kanya, isang bagay na pinagtakahan ni Ara dahil wala siyang pagkakautang sa kanyang kapatid na nakababata.
“Pagod na akong magtakip sa ugali niya.
Pagod na rin akong mag-pretend na we’re okey, kahit hindi naman. Wala na kasi siyang pinakikinggan.
Sobrang sakit na ang ibinibigay niya sa akin, I’m dying inside,” umiiyak na pahayag ni Ara nang magsampa siya ng kaso laban sa kanyang kapatid.
Ang mga salitang ginamit ni Cristine sa paglalarawan sa kanyang ate Ara ay sobra na sa kabastusan, sa aming opinyon ay hindi ibinabato ang mga ganu’ng kasasamang salita sa isang kapatid, makatwiran lang na kasuhan na talaga ni Ara si Cristine para matuto ito ng leksiyon.
At totoong-totoo ang sinabi ni Ara, “Ang kasikatan kasi, e, nawawala ‘yan. Pero ang magulang at kapatid, nandiyan lang, hindi nawawala.”
Napakasarap pitikin sa ilong ang nakalilimot na sa respeto at kagandahang-asal na si Cristine Reyes.