IPINATUPAD kahapon ng Department of Transportation and Communication ang taas pasahe sa MRT at LRT. Ang mga commuter ng MRT (North Avenue- Taft) ay magbabayad ng P28 one way mula sa dating P20; LRT1 (Roosevelt-Baclaran) ay P30 mula sa dating P15; at ang LRT2 (Recto-Santolan) ay P25 mula sa dating P15.
Ibig sabihin, kung ang isang commuter ay bumibiyahe ng balikan Lunes hanggang Sabado, ay magdaragdag araw araw ng P26 (MRT), P30 kung sa LRT1 at P20 naman sa LRT2.
Kung ang sweldo ng commuter ay minimum lang o P466 a day, napakalaking kabawasan ito sa araw-araw niyang kita. Mawawalan siya ng isang “pananghalian” o “merienda” sa trabaho dahil sa taas pasahe.
May pagkasalbahe o tuso itong DOTC nang ianunsyo nito ang taas pasahe 15 days ago. Nagulat ang mga senador at mambabatas dahil ni hindi nila ito pinag-usapan sa deliberasyon ng 2015 budget. Itinaon pa sa pagbabakasyon ng Korte Suprema dahil sa Pasko at Bagong Taon.
Sa Enero 12 ang balik ng Korte, kung kelan maaaring dinggin ang mg TRO petition para pigilan ang taas-pasahe.
At kung meron mang iisyu na TRO, maibabalik pa ba ang ibinayad na taas-pasahe? Talagang walanghiya ang timing! Parang sinasabi nito sa mga commuter: Manigas kayo at magbayad!
Pero, lulunukin na lang kaya ito basta-basta ng 700,000 riders ng MRT; 500,000 sa LRT1 at 400,000 sa LRT2 at hindi na magreklamo o magprotesta? Tatahimik na lamang ba sila? Iyan ang gustong mangyari ni DOTC Sec. Joseph Abaya, Malakanyang at mga negosyanteng naka-jackpot ng kontrata ng LRT1 at magbi-bid naman sa LRT2.
Kritikal ang mangyayari ngayong Lunes at sa buong Linggo sa mga train commuter. Hindi maliit na pwersa iyan, lalot 1.6M na kababayan natin ang apektado ang buhay dito. Papayag na lang ba sila sa palusot ng DOTC?
qqq
Napakalaking pondo ng DOTC para sa rehabilitasyon ng MRT at LRT. Ibig sabihin, hindi kulang sa pera ang gobyerno sa pagsasaayos ng serbisyo. Sa inaprubahang 2015 budget at 2014 supplemental budget nitong Disyembre, merong P11.109 bilyon ang DOTC, kabilang ang P4.66 bilyon para sa mass transport subsidy at P3.5 bilyon para sa rehabilitasyon ng MRT3. Meron ding inilaang P769-milyon para sa common station ng LRT North extension, at P200 milyon naman para sa LRT 2 WEST Extension.
Ang nakakainsulto rito ay ang double entry na parehong tig-P977.6 milyon para sa LRT1 and LRT2 repair and rehabilitation of Lines na parehong inaprubahan sa 2015 budget at sa Supplemental budget of 2014. Ibig sabihin, tumataginting na P1.955 bilyon ang pondong gagastusin sa iisang project lamang.
Talagang bumabaha ng pera ngayon sa DOTC para sa rehabilitasyon ng MRT, LRT1 at LRT2. Hindi naman nila sinabi sa mga senador at kongresista na magtataas sila ng pasahe ngayong Disyembre nang dinidinig ang budget.
Kaya nga ang tanong natin sa DOTC ay ganito: Bakit kayo nagtaas ng pasahe gayong sobra-sobra at sapat naman ang pondo ninyo? Saan ninyo dadalhin ang sobrang pondo kung ang taumbayan din pala ang tutustos sa rehabilitasyon?
O, baka naman na-pressure na kayo ng inyong concessionaire sa LRT1 at ang darating na bidding sa LRT2? Mas importante ba ang mga concessionaire na ito kaysa sa 1.5 milyong mga pasahero?
Ang tusong DOTC
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...