Lotto ticket na naplantsa pababayaran sa PCSO

lotto for site
MAY pag-asa pang naghihintay sa may-ari ng pinlatsang lotto ticket na makuha ang panalong P12 milyon jackpot prize.
Ito ay matapos irekomenda ng House committee on games and amusement sa Philippine Charity Sweepstakes Office na bayaran ang may-ari ng naplantsang lotto ticket.
Ayon kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga, chairman ng komite, personal niyang ginagawa ang committee report matapos ang isinagawa nilang imbestigasyon dito.
“My recommendation is for the PCSO to pay,” ani Barzaga. “Unang una, there are so many circumstantial evidence leading to the fact na yong si (Antonio) Mendoza talaga ang rightful winner.”
Sinabi ni Barzaga na walang ibang lumabas upang sabihin na siya ang nanalo ng jackpot prize na kinukuha ni Mendoza. Pareho rin umano ang tinutukoy na lotto outlet ng PCSO at ni Mendoza kung saan tinayaan ang nanalong tiket.
Una nang nagdeklara ang PCSO na hindi nito ibibigay sa may-ari ng pinlatsang lotto ticket dahil sa may sinusunod ang ahensiyang regulasyon hinggil sa mga naipanalong ticket.
Umaasa naman si Barzaga na susundin ng PCSO ang kanilang rekomendasyon at kung hindi ay maaari ring irekomenda nila ang pagsasampa ng kaso.
Ayon kay Barzaga sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) “Yong anti graft law…causing undue injury to a person including a private party. Eh dito talaga namang may undue injury.
Si mendoza, hindi nabayaran ng P12 million”. Ilalabas umano ang komite report sa plenaryo bago matapos ang buwan.
Pupunta na sana sa PCSO si Mendoza upang kunin ang kanyang premyo ng lukutin ito ng kanyang apo.
Siya ay nanalo noong Oktobre 2. Sa takot na hindi makuha ang premyo, plinantsa ito ng kanyang anak kaya nangitim at dalawang numero na lamang ang mababasa.
Iginigiit ng PCSO ang kanilang no ticket, no payment policy. Ang nanalong tiket ay ipapasok sa lotto machine upang matukoy kung ito ang nanalong tiket at hindi pineke.

Read more...