HALATANG minaliit ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan ang bagyong Seniang na tumama sa Visayas at Mindanao bago mag-Bagong Taon, na nagresulta sa pagkamatay ng 68 katao, base na rin sa pinakahuling datos.
Taliwas sa sigasig na ipinakita noong bago pa tumama ang bagyong Ruby, tila kinulang o talagang wala tayong nakitang naging paghahanda ng pamahalaan para maiwasan ang pagkasawi ng mga buhay dahil kay “Seniang”.
Maaga pa lamang ay pinalikas na ang mga residente nang manalasa si “Ruby” dahil inasahan itong magiging super typhoon.
Pero ibang-iba ang nangyari sa panahon ni “Seniang”. Dahil mas mahina ang inaasahang epekto ng bagyong Seniang, wala tayong narinig na pangungulit ng mga tauhan ng pamahalaan sa mga residente na inaasahang maapektuhan ng bagyo.
Hindi ba’t pumunta pa si Interior Secretary Mar Roxas sa Eastern Samar para pangunahan ang ginawang paglilikas sa mga apektadong mga lugar dahil kay “Ruby”?
Dito naman sa Maynila, pinangunahan pa ni Pangulong Aquino ang pagpupulong sa NDRRMC para matiyak na lahat ay kumikilos para mapigilan na may mamatay dahil kay Ruby. At hindi ba’t halos lahat gusting umepal noong panahon ni “Ruby”?
Dahil nga sa nangyaring paghahanda para kay Ruby, nagtagumpay ang pamahalaan na maging mababa ang casualty o mga nasawi at nasugatan dahil sa bagyo.
Makalipas ang bagyong Ruby, dumating si Seniang. Pero ang alab o init na ginawa ng gobyerno sa panahon ni “Ruby” ay kasing-lamig naman ng ginawang pagtingin ng mga ito nitong panahon ni “Seninag”. Hindi kaya naging excited ang mga ito dahil sa papasok na Bagong Taon?
Ayun tuloy, maraming biniktima si “Seniang”. At marami sa kanila ang nagsabi na hindi sila nasabihang tungkol sa epektong idudulot nito. Hindi rin daw sila nasabihan na magsilikas. Dahil don, maraming namatay, nalunod o tabunan ng lupa dahil sa flash flood at landslide dahil sa dami ng ulan na dala ng bagyo.
Kahit kasi ano pang babala ng Pagasa kung ito ay hindi nakakarating sa mga tao, balewala ang ginagawang trabaho ng mga miyembro ng weather bureau.
Ayon pa sa ulat, abala na ang mga opisyal sa paghahanda para sa Holiday season kayat dedma na lang sa bagyong “Seniang”.
Ngayon, meron kayang aako ng responsibilidad? Wala tayong aasahan.
Lahat ay magsasabing hindi sila nagkulang sa pagbibigay ng babala kaugnay ng epekto ni “ Seniang”. Ang masaklap nito, masisisi pa ang mga taong naging apektado ng bagyo.
Pero kung naging maagap lamang sana ang mga lokal na pamahalaan na arugain, ilikas ang kani-kanilang mga mamamayan, hindi na sana ganito karami ang nasawi sa bagyong Seniang.
Hindi na tayo natututo. Lagi na lamang kailangang napakaraming magbuwis ng buhay sa tuwing may kalamidad na nangyayari sa bansa.
Isa pang nagiging ningas kugon ang mga awtoridad ay sa isyu ng mga paputok. Tuwing sumasapit ang pagtatapos ng taon, isinusulong lagi ang total ban sa mga firecrackers pero makalipas ang selebrasyon ng Bagong Taon o pag lumamig na ang isyu, wala nang nangyayari.
Balik sa dati at tila nakalimutan na ang mga biktima ng mga naputukan. Iingay na lamang muli ito kapag sasapit na Kapaskuhan at Bagong Taon.
Kailan kaya magiging seryoso ang mga mambabatas at iba pang pinuno na magpatupad ng isang mas epektibo at pangmatagalang solusyon para maiwasan na ang daang-daang biktima ng mga paputok na sa ngayon ay nagresulta pa ng sunog na ikinasawi ng tatlong katao at tinatayang 2,000 pamilya ang nawalan ng bahay dahil lamang sa iresponsableng pagpapaputok sa Apolonio Samson, Balintawak, Quezon City?
Sa kabila naman nito, binabati pa rin namin kayo ng Manigong Bagong Taon mga Katropa.