Laro’t Saya gagawin sa Vigan, Kalibo

DALAWANG lugar pa ang aabutin ng PSC Play N Learn, Laro’t-Saya sa Parke sa unang buwan sa taong 2015.

Ayon kay PSC Research and Planning chief at Laro’t-Saya project manager Dr. Lauro Domingo Jr., nakatakdang isagawa ang programa sa Vigan City at Kalibo, Aklan para sa unang dalawang bagong lugar at lumawig na sa 13 ang LGUs na sumusuporta rito.

“Ang pagbubukas ng Vigan at Kalibo ay dapat ginawa noong 2014 pero nagdesisyon ang local officials na i-postpone ito para sa January. May mga LGUs ang interesado pa at maaaring dumami pa ang mga susuporta sa taong ito,” wika ni Domingo.

Mismong si Vigan City mayor Eva Marie Singson Medina ang nagbigay ng basbas para isagawa ang programa sa plaza na kung saan matatagpuan ang dancing fountain.

Sa kabilang banda, si Governor Florencio T. Miraflores ang sumang-ayon sa pagdaraos nito sa Aklan upang maenggayo ang kanyang nasasakupan na pumasok sa sports.

Sa pagtutulak ni PSC chairman Ricardo Garcia ay nagsimula ang programa noong 2013 sa Luneta at sa Quezon City Memorial Circle.

Noong 2014 ay may siyam na lugar pa ang nakiisa rito at ang mga ito ay ang Kawit, Cavite, Cebu, Bacolod, Davao, Iloilo, Baguio, Parañaque, Tagum at San Carlos sa Negros Occidental.

Sa ikatlong linggo ng buwan ng Enero magsisimula ang 2015 season sa Burnham Green sa Luneta.

Read more...