MATAPOS ang mga pagsasaya ng kapaskuhan, magpapatuloy ang ating mga personal at pasansariling buhay. Gayundin ang buhay natin bilang mag-anak, bilang isang bansa… Patuloy nating haharapin ang mga hamon ng buhay, pampamilyang isipin, pagpapaaral sa anak, pagpapagamot ng maysakit, kabuhayan, at paano pagkakasyahin ang kinikita. Pangkaraniwang buhay! Sabi ng iba, kalunus-lunos na pag-iral.
Iyan ang pagninilay ng Ebanghelyo (1 Jn 2:12-17; Sim 96, Lc 2:36-40) sa ikaanim na araw ng pagdiriwang ng Pasko, kapistahan ni San Liberio. Hindi ko iyan pananaw, na simula pa man hanggang ngayon ay hinahanap pa rin kung nasaan ang sinasabing tuwid na daan, kundi pagninilay ng Ebanghelyo bunsod ng noynoying, ng kapabayaan sa mahihirap at paglapastangan sa mga namatay sa kalamidad, trahedya, atbp.
Walang nakikitang pag-asa ang pagninilay ng Ebanghelyo dahil pagkatapos ng kapaskuhan ay kailangang pasanin ang kahirapan, na malinaw na hindi naman naibsan pagkatapos ng mahigit apat na taon paghahari ng anak nina Ninoy at Cory. Tuwiran ang turan ng Ebanghelyo: pagpapaaral sa anak, pagpapagamot ng maysakit, kabuhayan, at paano pagkakasyahin ang kinikita.
Kung pakikinggan sina Aquino at Corazon Soliman ay gumanda raw ang buhay ng mahihirap. Malaking kasinungalingan ito dahil ilalahad ang tunay na mahihirap sa salu-salo ng Santo Papa Francisco sa mga aba at kahabag-habag sa kalagitnaan ng buwan na ito, at sila’y hindi nilawitan ng tinamanang na CCT.
Hindi ang dilaw na gobyerno ang nakababatid sa tunay na mahihirap dahil sa kanilang talaan ng CCT ay nilawitan ang mga guro, kagawad, opisyal ng barangay, at ang iba’y dinoble pa. Ang tunay na nakababatid kung sinu-sino ang mahihirap ay ang mga pari sa maliliit na parokya at sub-parish, at sa misyong parokya tulad ng nasa isla ng Dumagis, Taytay, Palawan, na ang simbahan ay pawid lamang.
Problema, at hindi pag-asa ang haharapin ngayong Enero. Nariyan ang di na mapipigilang pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT, pagtaas ng singil sa tubig, na pangungunahan ng Manila Water Co., Inc., ang east zone water concessionaire; linggu-linggo o tuwing makalawang linggo na pagtaas ng presyo ng gasolina, krudo’t ga-as, at ang pagtaas sa singil ng kuryente na susundan sa kuwaresma ng brownout at blackout, lalo na sa Mindanao.
Hindi mahirap pag-aralan at unawain ang mga problema sa MRT at LRT. Pagkatapos buhusan ng maraming demanda si Gloria Arroyo ay pinagsamantalahan at pinagnakawan na ang mga kompanya ng pero-karil.
Sa pagkakaalam ng jeepney operator sa biyaheng Lardizabal-Tayuman sa Sampaloc, Maynila, ang mahusay na segunda manong makina ng jeep ay minamantine, nililinis parati at pinagaganda para sakyan ng pihikang mga estudyante sa UST. Maglilimang taon na ang matalinong gobyerno ay hindi nila minantine, nilinis at pinaganda ang mga bagon at sistema ng riles. Mahirap bang i-memorize yan?
Ganyan talaga sa piling ng mga estudyante. Si Abigail Valte ay hindi nagsasalita para sa punong estudyante nang sabihin niya na umapela ang Palasyon sa publiko na huwag nang bumili ng paputok.
Nagalit ang manufacturers ng paputok sa Bulacan, na naka-base sa Bocaue. Papatayin ni Valte ang lehitimong negosyo ng paputok, na siyang bumuhay at nagtaguyod sa pamahalaan ng Bocaue at iba pang bayan sa Bulacan.
Hindi sinabi ng punong estudyante na huwag nang bumili ng paputok. Ang sinabi ng punong estudyante ay iwas-putok, na unang ikinampanya na nina Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Arroyo. O, di ba?
Sa Makati Elementary School, na kung tawagin noon ay Bundok, ay may paborito ang guro, na sa Ingles ay teacher’s pet. Ang paborito ng guro, sa Makati noon, ay mas magaling pa sa tunay na guro kapag wala, o liban, o totoong guro. O, di ba?
Noong panahon ni Mayor Maximo D. Estrella sa Makati, mabibilang lamang sa mga daliri ng kamay ang mga napuputukan sa pagsalubong sa Bagong Taon. Dahil ang unang ginigising at hinahambalos ni Estrella ay ang mga magulang; at ngayon ngang pabaya na ang mga magulang, napuputukan ang kanilang mga anak. Simple pero rock.
Nakalulungkot na hindi malaking balita ang pagpanaw ni Johnny Remulla, ang gobernador ng Cavite na naglagay sa lalawigan sa mapa ng daigdig bilang pangunahing agro-industrial model para sa malalaking negosyante, dayuhan man o hindi. Pasya ng pamilya nag awing payak ito.
Pero, para sa mga naging bahagi sa pagsulong ni Johnny (na tinawag ng kanyang sirkulo sa media na Wapog para pag-usapan man siya sa kainan at inuman ay hindi mahahalatang si Remulla ang tema), kailangang bigyan siya ng malaking parangal, o dakilain, dahil sa malawak na kaunlaran sa dating bandidong lalawigan. Nakita ni Johnny ang gulong dulot ng mga komunista nang buksan niya ang export processing zone sa Rosario.
Hindi nakapasok ang mga komunista, pati na ang nagpapanggap na grupong manggagawa dahil ginamit ni Johnny ang kanyang pagka-barako. Pinandidilatan lang ni Johnny ang mga komunista ay nagtatakbuhan na ang magugulo at manggugulo.
Para kay Johnny, hindi uunlad ang Cavite kung may komunista. Puwede silang manirahan sa Cavite pero busal ang bibig at kilos ng mga ito.
Tama si Johnny. Hindi nga umunlad ang Quezon, Mindoro, Romblon, Samar, Leyte, Negros, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Bukidnon, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Compostela Valley, atbp.
Bagaman batikang abogado at bar topnotcher, hindi naniniwala si Johnny sa pagsasampa ng kasong libelo sa mga mamamahayag. Bumaligtad ang dati niyang bata, sumanib sa kalaban at siniraan si Johnny.
Kinausap lang ni Johnny ang dating bata at nawala na ang sakit ng ulo ng gobernador. Para sa matitigas ang ulo, hindi na niya tinulungan ang mga ito kahit nasa bingit pa sila ng labis na pangangailangan.
MULA sa bayan (0906-5709843): Tulungan po ninyo kami. Ginabusong na kami sa Catbalogan City. Binaha kami ni Seniang at wala nang ibinibigay na pagkain ang gobyerno. …6799
Digong for president na para wala nang magpapaputok sa Bagong Taon. …1343
Kami’y mga refugees sa Zamboanga City. Kinalimutan na kami ng gobyerno nitong Pasko’t Bagong Taon. Pero, salamat sa Diyos, sa Nuestra Senora Del Pilar, at buhay pa rin kami. …8750