KUNG merong gagawin ang mga pulitiko ngayon, isang araw bago ang pagsapit ng Bagong Taon, tiyak na ito ay ang mamakyaw ng pampasuwerte.
Kailangan nila ng maraming suwerte para makapasok sila sa mga lineup ng mga patatakbuhin sa 2016 elections.
Sa 2015 kasi ang filing ng certificate of candidacy, at kaakibat nito ang pag-aalyansa ng mga pulitiko.
Maaaring maging magkakampi ang mga dating magkagalit at posibleng maghiwalay naman ang dating magkakampi.
Ilang buwan pa bago mabuo sa isipan ng mga tao kung sino ang kanilang iboboto kaya kailangan ng matinding convincing power ng mga pulitiko para manalo.
Kailangan nila ng pampasuwerte para ang kanilang pangalan ay maiwan sa isip ng mga botante.
Naalala ko tuloy ang sabi ni Makati Rep. Abby Binay sa isang panayam kaugnay ng kanyang condominium studio unit sa Rockwell, Pasig.
Sabi ni Binay, anak ni Vice Presidente Jejomar Binay, hindi dapat maging isyu ang kanyang pagkapanalo ng condo unit sa raffle na ginawa sa Powerplant Mall sa Makati City noong Enero.
Sinuwerte raw siya dahil sa pagpapagulong ng kiat-kiat, isa sa mga pampasuwerte at regular na binibiling prutas sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Isang feng shui expert daw ang nagpayo sa kanya na magpagulong ng kiat-kiat sa kanyang pintuan noong Chinese New Year at makalipas ang ilang araw ay nakatanggap siya ng tawag at sinasabi na nanalo siya ng condo.
Gaano kaya karaming kiat-kiat ang dapat pagulungin ng mga tatakbo sa pagkapresidente para manalo?
Ano ba itong nababalitaan natin na pinag-iisipan na ng mga Binay na kalabanin itong si Taguig city mayor Lani Cayetano, misis ni Senador Alan Peter Cayetano.
Si Rep. Abby Binay daw ang tatapat kay Lani na dati niyang best friend.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung kanino tataya ang mga militante sa 2016 polls.
Kahit pa sabihin na hindi pa nakakapagpanalo ng senador ang militanteng grupo—mapa-Makabayan bloc man yan o Akbayan faction—maituturing na mahalaga pa rin ang kanilang boto lalo na kung gipitan ang magiging bilangan.
Kung magkakaroon ng magandang development ang usapang pangkapayapaan na bubuhayin sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front, iboto kaya nila ang mamanukin ng Malacanang sa eleksyon?
Isama mo ito sa boto ng mga Muslim na natutuwa sa Bangsamoro Basic Law, eh malakinng boto na ito.
At ang tumaas na rating ni Pangulong Aquino, na hanggang ngayon ay hindi pa napupunta sa negative kahit na mahigit isang taon na lamang siya sa Malacanang.
Eh mukhang llamado ang kandidato ng administrasyon sa eleksyon.
Ang malaking tanong na lamang ay kung sino ang kanilang patatakbuhin.
At baka, magaya rin ni Pangulong Aquino ang kanyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino, ang makapagpanalo ng papalit sa kanya.
Matapos ang EDSA People Power 1, ang namayapang pangulo pa lamang ang nakapagpanalo ng susunod na presidente—si FVR.
Binasbasan ni FVR si dating Speaker Jose de Venecia, talo. Si Erap hindi natapos ang termino at nakulong. Si GMA, ipinanalo ang sarili pero natalo ang manok na si dating Defense Sec. Gilbert Teodoro.
Pero anu’t ano man ang mangyari, at kung sino man sa kanila ang tumakbo, nawa’y ilagay nila sa puso nila ang pagtulong sa ating bayan at hindi lang ang kanilang mga sarili.
Happy New Year!!!!