MUKHANG aabot sa target na P200 million ang kita ng “Feng Shui” dahil sa apat na araw pa lang ng pagpapalabas nito ay umabot na sa P103,542,136 (sa 129 theaters).
Base sa huling panayam namin kay Kris Aquino bago magsimula ang MMFF 2014 ay nabanggit niya na hindi nila target ang number one sa takilya dahil alam naman niyang “Praybeyt Benjamin” ang mangunguna at ang tanging hiling niya ay kumita ng dalawang daang milyong piso ang entry nila para kumita silang lahat na mga producers.
Samantala, tinanong namin ang Queen of All Media kahapon tungkol sa pagpunta ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa bahay nila habang ginaganap ang pa-thanksgiving mass noong Linggo para sa mga biyayang natanggap ni Kris nitong 2014.
“Na-surprise ako,” mabilis na sagot ng TV host-actress. Nagtanong ulit kami kung ano ang pakiramdam na nakita uli niya si Bistek na ikinataka rin ng netizens – pumunta lang ang alkalde sa bahay nina Kris para lang bumati sa success ng “Feng Shui” at “Praybeyt Benjamin”.
Tumagal lang ng dalawang minuto roon si Herbert at hindi pa nga pumasok sa loob ng bahay ni Kris. Hindi sinagot ng mama nina Josh at Bimby ang aming tanong, pero aniya,“We are FRIENDS. He will always be special, but maybe I’m meant to be on my own.”
May nagsabi naman na iba ang sadya ni Herbert kina Kris, na hindi na lang tumuloy nang makitang maraming tao sa bahay at may at may TV crew. E, bakit hindi na lang nag-text o tumawag kung pagbati lang talaga ang sadya?