EDITORIAL: Palpak na serbisyo

IRESPONSABLE at walang malasakit sa mga pasahero maituturing ang Cebu Pacific sa nangyari sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Kapaskuhan kung saan halos ilang oras o araw ang ipinaghintay ng mga pasahero para makasakay sa eroplano at makarating sa kanilang paroroonan.

Halos magrebolusyon na sa loob ng Terminal 3 nang abutin ang mga pasahero ng “siyam-siyam” para lamang maproseso o makacheck-in sa kanilang flight. Ang nangyari sa loob ng Terminal 3 ay maihahalintulad sa sardinas sa loob ng isang maliit na lata. Nagsisiksikan na halos walang umaasikaso sa mga pasahero at hindi nila malaman kung ano ang dapat gawin.

Hindi katanggap-tanggap ang mababaw na rason ng airline company na sabihin na kulang ang kanilang personnel kaya nangyari ang magulong sitwasyon na nagresulta para magsiksikan ang mga pasahero sa terminal, maantala at makansela ang kanilang biyahe.

Sinisiguro dapat ng isang kumpanya na sapat ang kanilang personnel na siyang magbibigay serbisyo sa panahon ng Christmas rush. Sa simula pa lang dapat ay napaghandaan na nila ang ganitong dagsa ng mga pasahero.

At dagdag pa, ang nakaiinsultong pahayag ng kumpanya na: ”We apologize for the inconvenience. We know the importance of the season to our passengers and wish them the best during the rest of the holidays.”

Common sense naman. Talagang napakahalaga ng araw ng Kapaskuhan at kung hindi sa kapalpakan ng nasabing airline makakasama ng mga pasahero ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay na naghihintay sa kanila para sabay-sabay silang makapagdiwang ng Pasko.

At ang panawagang meron dapat managot sa pangyayari ay kailangan lang na mangyari. Ang panawagang magkaroon ng imbestigasyon sa Kongreso ay naaayon lang upang mabatid kung meron mang criminal liability ang nasabing airline company.

Hindi rin naman yata kaiga-igayang sabihin ng Malacanang na dapat alamin ng bawat pasahero ang kanilang mga karapatan, dahil higit sa lahat obligasyon ng airline company na siguruhin ang pagbibigay nito ng maayos at matinong serbisyo.

Hindi magkakaroon ng kaguluhan sa Terminal 3 kung maayos ang pamamalakad ng kompanya. Karapatan din ng mga maliliit na pasahero na magalit sa mga napaka-unprofessional service na ibinibigay ng airline company. At ilang beses na bang napaulat ang palpak ang serbisyo ng Cebu Pacific?

Kailangan manguna ang Malacañang sa pagtatanggol sa mga naabalang pasahero imbes na pangaralan o sermunan ang mga ito sa kanilang dapat na malaman. Hindi rin dapat na sabihin na tanging 14 katao lang ang pormal na nagsampa ng reklamo. Obligasyon ng kinauukulan na imbestigahan ang pangyayari kung saan agrabyado ang mga pasahero.

Ang malungkot na insidenteng ito ay hindi na dapat maulit pang muli. Sa pagsalang sa imbestigasyon ng airline company, sana ay matuto na ito!

Read more...