PINANGATAWANAN ni Hook Shot ang pagiging paborito sa 13 kabayong naglaban nang angkinin ang 2014 Philracom Juvenile Championship kahapon sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.
Tumakbo kasama ang coupled entry na si Sky Hook, si Rodeo Fernandez ang sumakay sa kabayo mula sa regular jockey na si EP Nahilat at kinuha ang trangko pagpasok lamang sa kalagitnaan ng 1,600-metro karera para malaman kung sino ang mga palaban sa mga katunggali.
Naghabol agad si Hurricane Ridge at sa pagpasok sa rekta ay dumikit ng isang kabayo sa nangungunang si Hook Shot.
Pero naibalik ni Fernandez ang lakas ng kabayo para manalo sa karera taglay ang isa’t-kalahating dipang agwat sa nakatunggali.
Naorasan si Hook Shot ng 1:42.6 sa kuwartos na 26, 24, 25 at 27.6 para angkinin ang ikalawang sunod na panalo sa karerang itinaguyod ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Ang kabayong ito ang nagkampeon sa Philracom Juvenile Fillies noong nakaraang buwan sa magkatulad din na distansya.
Ito ang ikaapat na panalo sa taon ni Hook Shot at nagkahalaga ito ng P1.5 milyon mula sa P2.5 milyon na pinaglabanan para iangat ang kinita sa taon sa P3.2 milyon.