Hindi talaga makukuha nang isandaang porsiyento nina Aiza Seguerra at Liza Diño ang sentimyento at emosyon ng ating mga kababayan tungkol sa kanilang pagpapakasal.
Sa kasagsagan ng social media ay nasa moderno na tayong panahon, ipagkikibit-balikat na lang ng marami ang kanilang sitwasyon, pero siyempre’y may mga kababayan pa rin tayong nabubuhay sa makalumang paniniwala at kultura.
Tulad na lang ng isang grupo ng mga guro na nakausap namin kamakailan, hindi naman sila nandidiri kina Aiza at Liza, pero hindi nila gusto ang ginagawang pagbabando pa ng dalawa tungkol sa kanilang pagpapakasal at pagmamahalan.
“It’s enough that they love each other, it’s enough that they got married, but it should stop there. Huwag na sana nilang ipinagmamalaki pa ang ginawa nila, dahil may mga tao pa ring hindi makatatanggap sa kanilang action.
“Kapag ang mali, e, pinaniwalaan pa ring tama, ano na lang ang mangyayari sa society natin? Tama nang nasunod ang gusto nila, but to persuade other people that they did the right move is another thing,” pahayag ng nakausap naming guro.
Sino ba tayo para humusgang mali ang pagmamahalan nina Aiza at Liza? Maibibigay ba natin ang kanilang kaligayahan? Silang dalawa lang ang makapagbibigay nu’n sa isa’t isa.
Pero may punto rin ang makalumang pananaw ng gurong nakausap namin. Ang sobra ay sobra na, kailangan nang kalusin, para ang pagmamahalan ay mapalitan ng respetuhan.