GAGAWA pala ng pelikula si Derek Ramsay sa Star Cinema, mag-uumpisa na siyang mag-shooting sa Enero, 2015 para sa pelikulang “Crocodile Hunter” na ididirek ni Toto Natividad co-produced by Cinebro Film.
Tsika sa amin ng mga taga-Dos ay excited ang aktor dahil muli siyang makakagawa ng pelikula sa nasabing movie outfit na unang nagbigay sa kanya ng break.
Hindi lang nabanggit sa amin kung sinu-sino ang makakasama ni Derek sa pelikuka. Hudyat na ba ito ng muling pagbabalik ni Derek sa ABS-CBN? Paano na ang sitcom nila ni Empoy sa TV5 Mac And Cheese? Natatandaan pa naman namin kung gaano ka-excited ang isa sa mga bossing ng Singko na si Ms. Wilma V. Galvante nang ikuwento niya sa amin ang tungkol dito.
Samantala, hindi na nag-iisa ang tropeong naka-display sa bahay ni Derek (2012 box office king para sa pelikulang No Other Woman) dahil isasama na niya ang napanalunang Best Actor award sa nakaraang 40th Metro Manila Film Festival para sa pelikulang “English Only Please” na idinirek ni Dan Villegas.
Tinanong namin ang aktor kung ito ang una niyang best actor award, “Yes it is.” Kaya naman sobra siyang nagpapasalamat sa mga judge ng MMFF 2014.
Pero bago pa man ay hindi raw inaasahan ng aktor na siya ang mananalo bilang best actor dahil paniniwala niya ay mas magaling ang ibang kasabayan nila tulad nina Robin Padilla para sa “Bonifacio” at Gov. ER Ejercito sa “Magnum Muslim 357”, at kung ibabase sa comedy ay higit raw na mas lamang sina Vice Ganda at Vic Sotto.
Oo nga, isa rin kami sa nagulat na sila ni Jennylyn Mercado ang nanalo dahil unang-una ay romantic comedy ang pelikula nila at hindi mo naman iisiping pang-award ang acting nila.
Sabi nga namin kay Derek ay nagbilad na siya ng katawan, nagdrama at ngayong taon ay nag-action para sa pelikulang “The Janitor”, ‘yun pala sa romantic comedy film pa siya mapapansin.
Isang narinig naming feedback mula sa mga nanood ng “English Only Please”, “Bagay pala kay Derek ang rom-com, puwede naman pala siya sa ganu’ng role bakit parati na lang siyang nagpapa-sexy sa pelikula.”
Masuwerte rin si direk Dan Villegas dahil siya ang nanalong Best Director, tinalo niya ang direktor ng “Bonifacio” na sandamakmak din ang nakuhang award.
Anyway, pangatlong pelikula lang pala ni direk Dan ang “English Only Please” sa mainstream, nauna na ang “24/7 In Love” (2012) at “Quick Change” (2013).