Stray bullet papatay na naman

SINO kaya ang susunod sa mga batang biktima na sina Stephanie Nicole Ella, Rhanz Angelo Corpuz, Von Alexander Llagas  na pawang namatay dahil sa ligaw na bala pagsapit ng Bagong taon? Ilan na naman ang tatamaan ng ligaw na bala galing sa mga makakati ang daliri sa gatilyo?
At inutil na bang talaga ang ating mga imbestigador at hindi mahuli-huli ang mga kriminal na ito gamit ang forensics at ang mala-CSI nating Scene of the Crime Operatives?
Noong Disyembre 16, 2013 bago magbagong taon, 13 kaso lang ng stray bullets ang naitala; 600 porysento ang taas nito sa dating dalawang kaso ng stray bullet noong 2012. Pag sapit ng bagong taon, umakyat sa 40 kaso kung saan namatay sina Ella, Cirpoz  at Llagas.
Ngayon bago pa sumapit ang bagong taon, walong stray bullet cases na ang naitala ng Department of Health at PNP.   Posibleng mapantayan o mataasan pa ang record ng nakaraang taon.
qqq
Noong Lunes, sabay-sabay na senelyuhan ang mga baril ng mga pulis kasabay ang babala na huwag silang magpaputok ngayong bagong taon.
Matatandaang apat na pulis ang nahuli noong isang taon, hindi ko lang alam kung natanggal na sa serbisyo ang apat na ito.
Sa hanay ng mga sibilyan, 28 katao ang dinakip dahil din sa indiscriminate firing. Nahaharap sila sa mga kasong “unlawful discharge of firearms” na ang parusa ay anim na taon na pagkakakulong at multang P20,000 hanggang P30,000. Hindi rin natin alam kung naipakulong na ang mga ito.  At hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikilala ang mga salarin na pumatay sa tatlong bata.
qqq
Malaking problema talaga ang kawalan ng “ballistic record” ng mga nagkalat na baril sa bansa sa kabila ng pagpapatupad ng R.A 10591 (Comprehensive Firearm Law).  Ito kasi ang magsisilbing “identity” ng baril na mag-uugnay naman sa may-ari ng baril na sangkot sa “stray bullet” cases.
Pero, paano kung loose firearms ang ginamit ng mga suspek?
Sa mga lisensyadong baril, merong database ang PNP at alam ng mga presinto dito sa Metro Manila kung sinu-sinong homeowner sa kanilang hurisdiksyon ang merong mga armas,  kaya naman, nagkalat ang kanilang “Operation Katok” ngayon.
Ang kailangan lang ay mahuli sa akto ang mga gun owners na namamaril kasabay ng putukan.
qqq
Sa totoo lang, nagtataka ako kung bakit hindi i-tap ng pulisya ang mga lider ng barangay sa pagpapatupad ng preventive measures laban sa indiscriminate firing.  Ang barangay ang higit na nakakaalam kung sinu-sino ang mayayabang nilang mga ka-barangay na walang habas kung magpaputok.
Kilala nila ang mga taong ito pero tila takot sila na banggain ang mga ito.
Pero, ang kampanya laban sa indiscrimate firing ay dapat malawakan at hangga’t maaari ay maiparating sa bawat bahay sa loob ng bawat barangay.
Kung ayaw ng barangay chairman ng direktang komprontasyon, magpakalat sila ng mga camera o gamitin ang mga cellphone ng tanod at i-post sa social media ang mga nagpapaputok ng baril.
Hindi pwedeng maghugas kamay dito sa mga kaso ng stray bullets ang mga barangay chairman.  Alam niya at ng kanyang mga kagawad at tanod ang bawat mga nangyayari sa kanyang barangay.
At sino ang mag-uutos sa Barangay Chairman? Siyempre si Mayor o ang alkalde ng bayan.
Sa nakikita ko, ang tamang kumbinasyon dito para mabawasan kundi man mapigilan ang mga stray bullets incidents ay Mayor-barangay-PNP-korte. Kung ang apat na ito’y gagawin lamang ang kanilang mga tungkulin sa kasagsagan ng kasiyahan, sino pa ang magpapaputok? Sana naman matigil na ang kalunus-lunos na kamatayang hatid ng mga ligaw na bala.

Read more...