Pagiging bading, tomboy nakahahawa?

Ni Bella Cariaso

ANIM na taon nang may karelasyong bakla o bading ang 37-anyos na call center agent na si Gio, 37, ng Quezon City.

Hindi naman ito ang una niyang relasyon sa isang miyembro ng third sex.  Katunayan, pang-apat na ang relasyong meron siya ngayon.  Yun nga lang, ang naunang tatlo ay pawang hindi mga seryoso.

Kuwento  ni Gio, bago pa ang mga relasyong ito sa bakla, naranasan na rin niyang magkaroon ng nobyang babae.  Ang relasyong ito ay tumagal lang nang mahigit isang taon. At makalipas nito ay pawang mga miyembro na ng third sex ang nakarelasyon niya.

Sa kabila nang pagpatol sa bakla, naniniwala si Gio nananatili siyang lalaki at kailanman ay hindi maaaring kuwestyunin ang kanyang pagkalalaki.

“Hindi po ako bading kahit na mahigit sa 10 taon na akong may mga nakarelasyong bading,” pagtatapat ni Gio sa Inquirer Bandera.

Kung ano umano ang hilig at interes ng mga normal na lalaki ay ganu’n din naman siya.

“Andu’n pa rin po ang pagkahilig sa mga larong alam natin ay gusto ng mga lalaki, mahilig pa rin ako sa mga kotse, at gaya ng halos lahat ng lalaki attracted pa rin ako sa babae,” kwento pa ni Gio.

Ganito rin ang paniwala ng photo-journalist na naka-assign sa Malacañang na si Marianita Burgos, 46: na ang pumatol sa gaya niyang lesbiana o tomboy ay hindi otomatikong tomboy na rin.

Ayon kay Burgos na mas kilala sa tawag na Jack,  na hindi totoo ang sinasabi ng ilan na kapag pumatol sa bading o tomboy ay “nahahawa”.

Anya, ang mga nakarelasyon niyang babae ay pawang mga tunay na babae.

“Hindi totoo yon kasi yung mga karelasyon ko, bandang huli lalaki pa rin ang hanap,” sabi pa ni Jack.

“Hindi ito nakakahawa. Kung babae ka, babae ka talaga at kung lalake ka lalake ka talaga kahit magkaroon ka ng kaibigan na tomboy o bading,” paliwanag pa ni Jack.

Sa kabila nito, naniniwala naman si Jack na “namamana” ang pagiging bakla o tomboy ng isang indibidwal.

“Sa akin genetic kasi may mga lesbian sa side ng mother ko,” sabi ni Jack.

Ayon pa kay Jack, pitong taon pa lamang siya ay naramdaman na niyang tomboy siya.

“Hindi ko ipinapakita sa pamilya ko kasi mahigpit ang family ko pero ang nanay ko nararamdaman na kasi kapag pumupunta kami sa palengke nagpapabaon ako ng damit na pampalit,” kwento pa ni Jack.

Dumating pa umano sa punto na nilabanan pa niya ang nararamdaman niya sa sarili.

“Dahil nga mestiza ako, naa-attract din ang mga boys sa akin kaya lang hindi ko talaga ma-take na magka boyfriend,” anya.

Ayon kay Jack, naglabas lamang siya ng tunay na kulay nang matapos siya sa high school.

Taong 1981 nang maranasan niya ang magkarelasyon sa kapwa babae.

“Bale nagkaroon ako ng mga karelasyon pero hindi naman kami nagsama. Noong una, anim na taon kaming nagtagal, tapos umalis siya. Yung huli, 13 years kami, tapos umalis siya last year, 2011,” dagdag ni Jack.

Ayon naman sa psychologist na si Ester Turingan, ng Department of Social Welfare and Development National Capital Region, maituturing na bading at tomboy ang isang indibidwal kung pumatol sila sa third sex.

“Once they do the act, consider as homesexual ka na. Unless wala tayo non (sexual relationship) kung baga, friendship level lang, walang sexual relationship don, so puwedeng hindi ka pa consider na bading at marami tayong ganu’n,” anya.

Ngunit sa isang bakla na si Marty, imposibleng maging bakla ang kanyang kapartner.

“Kasi kung bakla siya, hindi ko siya papatusin no.  Kailangan lalaking-lalaki siya.  Kaya hindi ako naniniwala na pag pumatol ang isang lalaki sa bading eh bading na rin siya,” paliwanag ni Marty.

(Ed: May reaksyon, komento ka ba sa artikulong ito?  Gusto ka naming marinig.  I-text ang iyong pangalan, edad, lugar at mensahe at i-send sa 09178052374)

Read more...