Vice nagluluksa sa pagkamatay ni Lolo Gonzalo

vice lolo
SA halip na nagsasaya si Vice Ganda dahil sa paghataw sa takilya ng pelikula niyang “The Amazing Praybeyt Benjamin” at sa pangunguna nito sa 2014 Metro Manila Film Festival ay nagluluksa ngayon ang TV host dahil sa pagkamatay ng kanyang lolo na si Gonzalo Dacumos, mismong araw ng Pasko.

Matatandaang nabanggit ni Vice sa The Buzz na may malubhang karamdaman ang kanyang lolo at nananatili sa ICU ng isang ospital.

Kasalukuyang nakaburol ang lolo Gonzalo ni Vice sa The Ascencion Chapel, Araneta Avenue malapit sa Funeraria Nacional.
Samantala, parehong soldout ang ilang screening ng “Praybeyt Benjamin” sa dalawang sinehan sa Gateway cinemas sa Cubao noong Dis. 25 at kinumpirma rin sa amin na nasa number one slot nga ang pelikula nina Vice, Richard Yap, Alex Gonzaga at Bimby Aquino Yap.

Base sa nakuha naming figures, ang kabuuang kita ng “Praybeyt Bejamin” noong opening day pa lang sa 129 sinehan nationwide ay P53.3 million.

Maging ang “Feng Shui” nina Kris Aquino at Coco Martin ay palabas din sa dalawang sinehan sa Gateway at soldout din ang ilang screenings na abot na hanggang gabi pati na ang GPC o Globe Platinum na ang halaga ng ticket ay P350.

Base sa nakuha naming figures, kumita naman noong unang araw ng MMFF ang “Feng Shui” ng P31.4 million. Hindi man number one ang “Feng Shui”, base sa record ito na raw ang highest opening day gross ng isang Filipino horror film.

Aliw ang narinig naming feedback kay Kris sa nasabing pelikula, “Pang-horror talaga si Kris, hindi siya kinakagat sa drama at comedy.”

Mensahe naman ni Kris tungkol sa mga pelikula nila ni Bimby, “Super GOOD si God. Vice & Bimb beat our record from last year & highest grossing opening day of any horror film ang FS.

Nakaka PROUD na nagbunga lahat ng pinaghirapan. And as Noy’s sister, nakakataba ng puso na may pera ang Pinoy para manood! Between PB (Praybeyt Benjamin) and FS (Feng Shui), practically half a million tickets sold on Dec 25.”

Kumpirmadong nasa ikatlong puwesto ang “My Big Bossing” ni Vic Sotto na nagtala ng P30 million, isang milyon at kalahati lang ang lamang nito sa “Feng Shui” kaya pala nabanggit ni MMDA Chairman Francis Tolentino na neck-to-neck ang dalawang pelikula para sa ikalawang puwesto.

Nasa pang-apat naman ang “Kubot: Aswang Chronicles” ni Dingdong Dantes (P26.8 million), panglima ang “Shake, Rattle & Roll” (P26 million), pang-anim ang “English Only Please” nina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay (P19 million) at pampito ang “Bonifacio” ni Robin Padilla (P11 million).

Wala kaming balita  kung magkano ang kinita ng “Magnum Muslim 357” ni ER Ejercito.

Read more...