Di porke’t maliit

NALILIITAN nga sila sa maliit.  Ganyan naman  talaga ang madalas mangyari.

Kaya kung tapakan at gulpihin nila ang maliit na ale noon ay ganoon na lamang.

Maliit na nga, tinawag pang pandak nang haribasin ni Panday.

Hanggang ngayon nga,  kung dikdikin ng malalaking lalaki ang may sakit na maliit na ale   ay ganoon na lamang.

Simula noon hanggang ngayon ay hindi pa rin naman lumalaban ang maliit na ale.

Marahil ay wala na siyang balak lumaban sa malalaki’t napakamakapangyarihan (tulad ng mga naninirahan sa resettlement areas para sa mga squatter, na di kayang labanan ang nagka-amnesyang lider na di tumupad sa pangako noong siya’y nangangampanya pa lamang).

Malalaking lalaki nga ang nasa trono ng kapangyarihan ngayon.

Kung magsalita’y tila wala nang makatatalo sa kanila at palagi na lang silang tama at ang kalaban at naghahahanap kung nasaan  ang matuwid na daan ay tinatanong kung kakampi ba o kaaway. O kundi’y nahusgahan na nga na kaaway.

Hindi nga kumibo  ang maliit na ale, na hinamon pa noon na mag-resign.

Pero, nang kumibo ang mallit na mama ay biglang bumawi sa sinabi at umatras sa paglusob ang malalaking lalaki.

Siyempre, nakagawian na ng mga opisyal ng gobyerno, at maging mismo ang anak nina Ninoy at Cory, na ihambalos ang sisi sa media.

Ang media na naman.

Simula sa pakikialam sa lovelife hanggang sa paghahamon ng dalawang malalaking lalaki sa maliit na mama kung kaaway  ba o kakampi.

Pero, bakit nga ba umurong sa pakikihamon ang dalawang malalaking lalaki?

Dahil nagsalita  na ang maliit na mama?

Dahil mas marami na ang mga tagasunod at naniniwala sa maliit na mama kesa malaking lalaki?

Dahil may puwersa na ang maliit na mama at puwersang supot ang nakapaligid sa malaking lalaki, tulad ng ipinakita sa Senado na kaliwa’t kanang inilalampaso ng magagaling na senador at tagapagtanggol ng nasasakdal?

Dahil ang inakalang kakampi ng malaking lalaki ay sumama na sa maliit na mama?

Dahil ang inuupahang mga survey firms ay patuloy na nagsasabing mas nagtatrabaho ang maliit na mama kesa malaking lalaki?

Walang hanggan ang mga tanong hangga’t nakakakita ng walang pagkalinga ang taumbayan sa kanilang inasahan noon, na may isang salita at tutupad nga sa pangako.

Walang hanggan ang pag-uusisa at paghahanap ng kasagutan hangga’t walang pagkilos kontra kahirapan at krimen ang solterong umiibig.

Nasaan ngayon ang pag-asa?

Sa nagsabing kailangang magbayad kayo ng mahal kung nais ninyo na magkaroon ng tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente o sa maliit na mama na patuloy na naglilibot para alamin at mabatid ang problema ng taumbayan?

Kung ang sinasabi ng maliit na mama ay nangangalap siya ng tunay na mga maglilingkod sa taumbayan, lalo na sa kinalimutang mahihirap, ito ba’y nangangahulugan na nakarating na nga ba ang bansa sa tuwid na daan?

Sinu-sino ang nakarating sa tuwid na daan?  Nasaan ito?

Pagkalipas ng mahigit dalawang taon at maraming babae na pinormahan, patuloy pa bang magtatanong ang mahihirap na walang inaasahang kasagutan?

Read more...