Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. San Miguel Beer vs Talk ‘N Text
(Game 3, best-of-seven semifinals)
PUNTIRYA ng San Miguel Beer ang 3-0 bentahe laban sa Talk ‘N Text sa kanilang pagkikita sa Game Three ng best-of-seven semifinals series ng PBA Philippine Cup mamayang alas-7 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nahirapan ang Beermen bago naigupo ang Tropang Texters, 87-81, sa Game Two noong Linggo. Ito ay taliwas sa madaling 109-86 panalong naitala nila sa series opener noong Biyernes.
Sa Game One ay maagang nilayuan ng Beermen ang Tropang Texters at halos papetik-petik na lamang sila sa second half ng laro. Subalit sa Game Two ay naging pisikal ang laban.
Umabante ng sampung puntos ang San Miguel Beer, 32-22, sa umpisa ng second quarter subalit nakahabol kaagad ang Talk ‘N Text at naibaba sa 41-40 ang kalamangan sa halftime.
Sa katapusan ng laro ay sinabi ng ilang opisyales ng Talk ‘N Text na nadehado ang kanilang koponan sa tawagan ng mga referees. Ang team owner na si Manny V. Pangilinan mismo ang nagsabi sa kanyang Twitter account na, “We can’t win these games with bad referee calls.”
Idinugtong naman ni Talk ‘N Text head coach Joseph Uichico na, “Let’s just hope the refs do a better job. I’m disappointed, but it’s a given when you’re playing against the San Miguel group.”
Sa kanyang ikalawang game mula nang magbalik sa San Miguel Beer galing Globalport, ang point guard na si Alex Cabagnot ay nagtala ng 21 puntos, tatlong rebounds at isang assist. Pinamunuan niya ang maagang breakaway ng Beermen nang gumawa siya ng back-to-back three-point shots.
Si June Mar Fajardo ay nalimita sa limang puntos sa first half subalit nakabawi sa fourth quarter at nagrehistro ng kanyang ika-11 double double (15 puntos at 12 rebounds).
Nagtala rin ng double figures sa scoring sina Chris Lutz (14) at Arwind Santos (10).