MAY bali-balita na baka ma-convict si Dra. Elenita Binay, maybahay ni Vice President Jojo Binay at dati ring mayor ng Makati City, sa mga kasong hinaharap niya sa Sandiganbayan.
Ang mga balita ay nakalap ng inyong lingkod sa mga taong malapit sa Office of the Ombudsman na siyang umuusig sa mga kaso ni Doktora Elenita.
Dahil sa mga bali-balita, hindi pinagpatuloy ni Mrs Binay ang kanyang planong pagbabakasyon sa Tokyo mula Dec. 18 hanggang Dec. 23.
Sinabi raw ng kanyang mga abogado na baka hindi papayagan si Mrs. Binay na makaalis.
Ang “future first lady” ay may mga kaso sa Sandiganbayan.
Isang kasong isinampa sa isang division ng Sandiganbayan ay ang hindi niya pagsasagawa ng public bidding at bagkus at pinatu-ngan pa ng malaki ang presyo ng mga office equipment na nagkakahalaga ng P107 million sa pag-renovate ng Makati City Hall.
Isa pang kaso na isinampa sa iba pang Sandiganbayan division ay ang diumano’y overprice ng pagbili ng mga kama para sa Ospital ng Makati nang si Elenita ay mayor mula 1998 hanggang 2001.
Maaaring sinabi sa kanya ng kanyang mga abogado na kapag siya’y nagbakasyon aakalain ng mga Sandiganbayan justices na binabalewala niya ang mga kasong hinaharap niya.
At parang totoo naman na parang hindi iniintindi ni Mrs. Binay ang mga kaso. Kaya nga siya magbabakasyon sana sa halip na mag-alala.
Kapag si Elenita Binay ay mapatunayang nagkasala sa dalawang kaso, may pag-asa pa na mababago ang bulok na hustisya sa ating bansa.
Inaakala kasi ng karamihan na pinapaboran ng hustisya ang mga mayayaman at maimpluwensiyang tao na nahaharap ng mga kaso sa ating korte.
Kitang-kita naman na nangurakot talaga ng husto ang mga Binay—sina Elenita, Jojo at kanilang anak na si Junjun—sa pamahalaan ng Makati.
Ang masakit nito, hindi naniniwala ang masa na gumawa ng mga misteryo ang mga Binay sa kanilang pamamahala sa Makati mula nang maluklok si Jojo bilang mayor matapos ang Edsa Revolution noong 1986.
Ang masa sa Makati kasi ay patuloy na nilinlinlang ng mga Binay na ang kapakanan nila ang nasa isip ng mga ito.
Nireregaluhan ng cake ang may kaarawan, binibigyan ng Pamaskong regalo ang mga mahihirap, bini-bigyan ang mga nakakatanda ng isang libong piso tuwing pasko.
Ang hindi alam ng masa ay sa taumbayan kinukuha ng mga Binay ang perang pinangtutustos sa kanila.
Ang pruweba na hindi naniniwala ang masa sa mga balita na nagnakaw ang mga Binay sa Makati ay ang mabagal na pagbaba ng rating ni Jojo sa survey ng mga kakandidato sa pagka-pangulo.
Nabobola ni Jojo Binay ang masa na ang mga paratang sa kanya ay paninira sa kanyang tsansa na manalo sa eleksiyon bilang pangulo.
Paano kaya magising ang masa tungkol sa kawalanghiyaan ng mga Binay?
Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu na ituro sa kanya ang mga opisyal at guwardiya ng New Bilibid Prisons (NBP) na nagbigay ng tip sa mga convicted drug lords na magsasagawa ng raid sa kanilang mga kubol.
Nagtaka ang ilang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na sumali sa raid na parang alam ng mga “Very Important Prisoners” (VIPs) na alam na ireraid sila.
Kung hindi sana ipinagbigay alam sa mga ito in advance ang raid na gagawin, marami pa sanang mga incriminating evidence ang nakita ng mga raiders.
Parang galit si Bucayu nang makapanayam siya sa telepono tungkol sa kanyang reaksyon sa tip-off.
Huwag ka nang magkunwari, Bucayu!
Si Roberto Rabo, ang officer-in-charge ng NBP, ay mismong nagsabi na nalaman lang niya na magsasagawa ng raid sa loob ng NBP noong araw na isinagawa ang raid.
Wala rin daw kaalam-alam ang mga guwardiya sa planong magsasagawa ng raid.
Kung hindi alam ng mga opisyal at guwardiya sa NBP ang planong pag-raid, sino ang nagsabi sa mga VIPs?
Si Bucayu lang ang nakakaalam sa plano ng raid.
Kaya’t alam na natin kung sino ang nag-tip sa mga convicted drug lords.