Rondo ipinamigay ng Celtics sa Dallas

BOSTON — Ipinamigay na ng  Boston Celtics ang kahuli-hulihang manlalaro sa kanilang 2008 championship team.
Ito ay matapos na pumayag ang Celtics sa isang trade na magdadala kay  point guard Rajon Rondo sa Dallas.

Kasama ni Rondo ay ibinigay din ng  Celtics si forward Dwight Powell sa Mavericks kapalit nina  point guard Jameer Nelson, forward Jae Crowder, center Brandan Wright, 2015 first round draft picks, 2016 second round draft pick at $12.9 million trade exception.

”Welcome to Rajon Rondo the newest member of the Dallas Mavericks,” sabi ni Mavericks team owner Mark Cuban sa social media application Cyber Dust ilang minuto matapos opisyal na inanunsiyo ang naturang trade.

Pinasalamatan din ni Cuban ang tatlong players na  kanyang binitawan na tinawag niyang, ”Amazing players and better people.”

Ang Celtics ay may walong  first-round picks sa susunod na apat na taon kabilang ang mga nakuha nila mula sa trade na kinabibilangan nina  Kevin Garnett at Paul Pierce na kasama ni Rondo sa 2008 championship team.

”We would not have won Banner 17 without Rajon and will always consider him one of our most valuable Celtics,” sabi ng statement mula sa mga team owners ng  Celtics. ”We will always cherish the time he was here.”

Lalo namang lumakas ang lineup ng Mavericks na pinangungunahan  nina Dirk Nowitzki, Monta Ellis, Chandler Parsons at Tyson Chandler.

Ito na marahil ang pinaka-solid na starting unit sa buong liga ngayon.  May 19-8 kartada ang Dallas ngunit sa sobrang tindi  ng  kompetisyon sa Western Conference ay nasa pangatlong puwesto lang ito sa  Southwest Division at ikaanim na puwesto sa West.

Huling nagkampeon sa liga ang Mavericks noong 2011 pero matapos niyon ay hindi na nanalo ng playoff series ang koponan.

Read more...