2-0 lead sa Semis pakay ng Alaska

alaska

Today’s Game
(Mall of Asia Arena)
5 p.m. Rain Or Shine  vs. Alaska Milk

PIPILITIN ng Alaska Milk na ipagpatuloy ang momentum galing sa panalo sa Game One sa muling pagtutuos nila ng Rain or Shine sa Game Two ng best-of-seven semifinals series ng PBA Philippine Cup mamayang alas-5 ng hapon  sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pinalis ng Aces ang 17-puntos na abante ng Elasto Painters sa first half  para sa 87-80 come-from-behind win  sa series opener noong Huwebes.

Ang panalo ng Aces ay pumatid sa seven-game winning streak ng Elasto Painters na tumabla sa San Miguel Beer sa unang puwesto sa pagtatapos ng elims at nakadiretso sa semis.

Animo’y magtutuluy-tuloy ang streak ng Elasto Painters matapos na makalamang, 21-14, sa pagtatapos ng first quarter at makaalagwa, 34-17, sa kalagitnaan ng second period bunga ng malamyang depensa ng Alaska Milk.

Subalit nakabawi ang Alaska Milk sa pagtutulungan nina Sonny Thoss, JVee Casio at Calvin Abueva upang makadikit, 43-40 sa halftime.

“I was really proud of our guys because they weathered the storm and after halftime, we chipped the lead away and put our frustrations aside,” ani coach Alex Compton na nakapaghatid sa Alaska Milk sa semifinals sa ikalawang sunod na conference buhat nang halinhan si Luigi Trillo bilang coach ng Aces.

Subalit hindi pa rin puwedeng mag-kumpiyansa ng Aces at ito’y alam ni Compton na nagsabing sa nakaraang Governors Cup semis ay nakuha rin nila ang Game One at nakalamang ng 2-1 sa best-of-five series subalit nabigong makaabot sa Finals.

“It’s just a 1-0 lead and the series is longer. So we have to improve in every game,” dagdag ni Compton.  Sina Thoss at Casio ay nagtapos na may tig-16 puntos sa Game One samantalang naka-kumpleto ng double-double si Calvin Abueva (14 puntos at 14 rebounds).

Aasa rin si Compton kina Cyrus Baguio, prized rookie Chris Banchero at mga beteranong sina Dondon Hontiveros at Eric Menk.
Si Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao ay inaasahang gagawa ng mga adjustments upang maitabla ang serye.

Patuloy siyang sasandig kina Paul Lee, Gabe Norwood, Jeff Chan, Beau Belga at Ryan Araña.Ang isa pang silya sa Finals ay pinaglalabanan ng San Miguel Beer at Talk ‘N Text.

Read more...