CERTIFIED Concert Princess na ang Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose matapos nga nitong mapuno ang SM Mall of Asia Arena para sa kanyang kauna-unahang major solo concert na “Hologram”.
Ito ang kauna-unahang hologram concert sa Pilipinas kaya masasabing Julie Anne really made a history sa larangan ng concert, at mas lalo pa itong naging engrande dahil sa kanyang mga guests na sina Christian Bautista, Abra, Sam Concepcion, Jonalyn Viray at Frencheska Farr.
Isang magandang kumbinasiyon ng mga sikat na foreign artists ang inspirasyon ni Julie Anne para sa concert niya. Tampok ang mga kanta nina Ariana Grande, Katy Perry, Nicki Minaj at Beyonce.
Ipinakita rin ni @MyJaps ang pagkabihasa nito sa musika sa isa sa mga numbers niya. Habang siya ay tumutugtog sa piano, sabay ring tumutugtog ang kanyang mga holograms ng violin, guitar, at drums.
Tinutukan naman ng mga manonood ang madamdaming pagkanta ni Julie Anne ng mga OPM classics kasama ng mga kapwa niya GMA Artist Center stars na sina Jonalyn at Frencheska.
Ang kanilang pagkanta ng “Sana’y Wala Ng Wakas”, “Sana’y Maghintay Ang Walang Hanggan” at “Bituing Walang Ningning” ang nagpahiyaw at nagpagana sa audience.
Mas lalo namang lumakas ang hiyawan ng kanyang mga fans nang magsimulang maluha ang Asia’s Pop Sweetheart habang kinakanta niya ang “Sana Ngayong Pasko”.
Ipinakita sa screen ang mga video clips noong nagsisimula pa lamang siya sa industriya. Naging isang madamdaming moment ito para kay Julie Anne, lalo pa nang isigaw ng kanyang mga fans ang “Iiyak na ‘yan!”
Tila napakawalan ni Julie Anne ang isang napakabigat na dalahin nang magsalita ito tungkol sa mga isyu na ibinabato sa kanya patungkol sa iba pang mga singers.
“Hindi naman ako nakikipag-kumpitensiya. Gusto ko lang naman pong kumanta, eh. Kahit ano pang sabihin nila, ginagawa ko po ito para sa inyo,” pahayag ng singer kasabay ang pagpahid ng luha.
Hindi naman ito naging dahilan para panghinaan ng loob si Julie Anne, sa katunayan ay lalo pa itong ginanahan sa pagkanta, pagsayaw at pagbigay ng mas matinding performances para sa kanyang mga tagasuporta.
Dinaluhan ang Hologram ng ilang mga GMA executives: Senior Vice-President for Entertainment Lilybeth Rasonable, Vice-President for Program Management Joey Abacan, Senior Assistant Vice-President for Alternative Productions Gigi Lara, Assistant Vice-President for Talk, Variety, Musical and Specials Darling de Jesus, Assistant Vice-President for Drama Cheryl Ching- Sy, Assistant Vice-President for Talent Imaging and Marketing Unit Simoun Ferrer.
Sinuportahan din ang Asia’s Pop Sweetheart ng iba pang Kapuso stars gaya ng Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, Bela Padilla, Derrick Monasterio, Diva Montelaba, Jeric Gonzales, Stephanie Sol, Mayton Eugenio, Gabbi Garcia, Jak Roberto, Coleen Perez, Sabrina Mann, Phytos Ramirez at Empress Schuck.
Bago tapusin ni Julie Anne ang gabi ay pinaakyat niya sa entablado ang kanyang mga fans para makapagpa-picture kasama niya.