NAGING instant gay rights advocate si Robin Padilla nang dahil sa kapatid na si BB Gandanghari. Pumayag si Binoe na gawin ang bagong show ng TV5 kasama si BB at isa pa niyang kapatid na si Rommel Padilla na magpapakita ng gender equality.
Ito ang sitcom na Two and A Half Daddies na magtataguyod nga sa karapatan ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community. “Yung serye, may tutumbukin ‘yon, yung gender equality. Cause pa rin ‘yon – gay at transgender.
Tulad ng sinabiño, hindi puwedeng puro salita ang suporta diyan. “Kapag dumating yung indulto, kailangan kapag sinabi nating, ‘Okay, tanggap natin ‘yan,’ kailangan tanggap.
Nasubukan natin na ang yabang-yabang ng mga Pilipino na sinasabi, ‘Pantay na ang pagtingin namin!’ “Pero nu’ng namatay yung (Jennifer) Laude, iilan lang kami nagsalita.
Iilan lang, ‘tol,” mahabang pahayag ni Binoe sa huling panayam ng press sa kanya na ang tinutukoy nga ay ang transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude na pinatay sa loob ng isang motel noong October sa Olongapo City. Isang US serviceman ang sinasabing pumaslang sa biktima.
Hirit pa ni Binoe, “Du’n mo makikita na ang laki ng kaplastikan dito sa bansang ito. Ang laki! May narinig ka ba sa mga pulitiko natin na nagsalita? Wala. Sa mga mamamahayag, ilan lang.
“Yun ang sinasabi ko. Kailangan meron tayong tayuan. ‘Di puwedeng puro tayo salita. Pag dumating yung problema, that’s the time na magsalita ka,” ani Binoe.
Sey ng mister ni Mariel Rodriguez, si BB ang inspirasyon niya para isulong ang adbokasiyang ito, “Siyempre, ‘tol. Siguro masasabi ko diyan, 100 percent, siya talaga. Kasi du’n ko nakita ‘yon, ‘Paano kung utol ko ‘yan?’
“Sa social media na lang, masasaktan ka. Nu’ng mamatay si Laude, grabe. Hindi ko akalain na ganu’n ang paghusga ng Pinoy, ‘E, bakla naman ‘yan, sige, hayaan mo nang mamatay.’ Ang sama! Ang sama! ‘Di baleng pinatay ng Amerikano kasi bakla naman,’” ang emosyonal pang esplika ni Robin.
Sa first quarter ng 2015 nakatakdang ipalabas ang Two and A Half Daddies.