Meron kaming tip para sa mga show producers. Kung gusto nilang magprodyus ng isang show na puwedeng ipagmalaki at gusto nilang makita ang kanilang manonood na masayang nag-uuwian mula sa venue ay isang grupo lang ang sagot du’n.
Ang OPM Hitmen na binubuo nina Richard Reynoso, Renz Verano, Rannie Raymundo at Chard Borja. Maganda ang ginagawa nilang patakaran sa pagko-concert, hanggang makakaya nilang pagaanin ang trabaho at hanggang kaya nilang hindi mahirapan sa gastos ang kanilang prodyuser ay gagawin nila, magaan silang katrabaho.
Propesyonal sila, matindi ang pagmamahal ng apat na magagaling na singers sa kanilang trabaho, lahat ng kailangang gawin para mas mapaganda pa ang kanilang show ay sa kanila na ‘yun magmumula.
Matagumpay ang kanilang show sa Zirkoh-Tomas Morato nu’ng nakaraang Huwebes nang gabi. Punumpuno ang venue, maayos ang pakikipagtrabaho sa kanila ng staff ng Backstagepass Productions, at ang pinakamahalaga ay walang umuwing bitin sa kanilang performance dahil talagang bigay-todo silang magtanghal.
Sa mga susunod na pagkakataon ay hindi kami magdadalawang-isip na kunin uli ang OPM Hitmen. Busog na busog ang audience sa kanilang mga kanta, pare-pareho silang may pinasikat na piyesa, nakatutuwang malaman na hanggang ngayo’y aktibo pa rin ang kanilang mga tagasuporta.
Maraming salamat at mabuhay ang OPM at ang OPM Hitmen!