DIRETSAHANG sinagot ni Angeline Quinto ang tanong namin sa kanya tungkol sa kanyang sekswalidad.
Kalat na kalat na kasi ang kuwento na kaya raw wala pa rin siyang boyfriend until now ay dahil tomboy siya.
Kahapon sa press launch ng kanyang second album, ang “Fall In Love Again” under Star Records, walang paeklat niyang nilinaw ang issue sa kanyang sexual preference.
“Hindi po ako tomboy. Nakakatawa nga po ‘yang tsismis na ‘yan, kasi talagang ang dami-daming nagtatanong sa akin, tapos may kuwento pa nga raw na meron akong girlfriend.
Hindi po totoo ‘yun,” nangingiting chika ni Angeline na ang ganda-ganda na ngayon as in star na star na talaga siya.
“Siguro po kaya nila naiisip na tomboy ako kasi boyish akong kumilos.
E, kasi po, noong bata pa ako, puro lalaki talaga ang mga kasama ko, ang mga kalaro ko. Sabi ko nga, batang kalye kasi ako kaya siguro ganu’n ako lumaki.
Pero nagpapaka-girl na po ako ngayon,” hirit pa ng tinaguriang teleserye theme song queen ng ABS dahil halos lahat nga ng mga hit at top-rating soap opera ng Dos ay siya ang kumanta ng theme song.
Tungkol naman sa diumano’y relasyon nila ni Erik Santos, mariin ding itinanggi ni Angeline na magdyowa na sila ng singer.
Talaga lang close sila ni Erik pero ang pagiging sweet daw nila sa isa’t isa ay walang malisya.
“Pareho kasi kaming malambing, tsaka mabait kasi si Erik, madalas kaming magka-holding hands niya, lalo na kapag may concert kami.
Pero wala naman pong masamang ibig sabihin ‘yun. Hindi rin po siya nanliligaw sa akin,” depensa pa ng biriterang singer.
Kahit nga raw ang nanay niya ay nagtanong na sa kanya kung sila na ni Erik dahil nga marami na raw itong nababasang balita tungkol sa kanila.
“Pero kung manligaw si Erik sa akin, okay lang naman. Ha-hahaha! Inunahan na siya, ‘no!
Pero gusto ko naman si Erik, kasi na kay Erik naman yung mga hinahanap ng isang babae sa isang lalaki, masipag, responsable, mabait,” chika pa ni Angeline na umaming kung sakaling maging sila ni Erik ay unang seryosong relasyon niya ito.
Anyway, napakinggan ko na ang lahat ng songs sa bagong album ni Angeline “Fall In Love Again” at may karapatan nga itong mamayagpag nang bonggang-bongga sa mga record bars.
May 15 tracks ang nasabing album at kabilang na diyan ang personal favorite naming “I Just Fall In Love Again” na theme song ng movie nila ni Coco Martin ang “You Light Up My Life” (na kasali rin sa album) at ang “Lipad Ng Pangarap” kung saan ka-duet ni Angeline ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.
Kabilang din dito ang original soundtrack ng pelikulang “Unofficially Yours” na “If You Asked Me To” kung saan ka-duet naman niya si Erik Santos.
Siyempre, nandiyan din ang theme song ng Budoy, ang “Saan Darating ang Umaga,” “Hanggang” na mula naman sa Walang Hanggan, at ang “Kung Ako’y Iiwan Mo” na theme song naman ng teleserye nina Shaina Magdayao at Jake Cuenca of the same title.
Naririnig na rin natin sa ariwaves ang “Hulog Ng Langit” na original ni Donna Cruz at ang bonus tracks na “Tanging Ikaw” at acoustic version ng “Bakit Minamahal Kita.”
Samantala, dadayo naman si Angeline sa iba’t ibang panig ng bansa para sa mall tour ng “Fall In Love Again.”
May mall show siya sa Astroplus SM Megamall at SM The Block sa April 18 at SM Bacoor sa April 21.
Available na sa inyong favorite record stores ang “Fall In Love Again”.