SA mga nagtatanong kung ano ang pinagkakaabalahan ngayon ng Kapamilya leading lady na si Jodi Sta. Maria pagkatapos magbabu sa ere ang serye nila ni Richard Yap na Be Careful With My Heart – nag-aaral palang magluto ang aktres.
Nasa Thailand ngayon si Jodi at kumukuha ng culinary class kasama ang kanyang mga kaibigan na sina Aia de Leon at dating sexy actress na si Francine Prieto.
Sa Instagram account ni Jodi, ibinandera ng aktres ang ilang larawan na kuha sa loob ng Baipai Thai Cooking School habang sila’t nagluluto. Kitang-kita sa mga picture na enjoy na enjoy ang grupo nina Jodi sa kanilang cooking lessons.
Sa kanyang mga post, sinabi ni Jodi na bukod sa kanilang mga Pinoy, meron din daw silang mga kaklase sa nasabing culinary class mula sa mga bansang Norway, Canada, Israel at Australia.
Bago pa lumipad patungong Thailand si Jodi, nasabi na nito na talagang kakaririn niya ang pagta-travel ngayon kasama ang kanyang anak na si Thirdy at ilang malalapit na kaibigan dahil nga halos isang taong siyang natali sa Be Careful With My Heart.
Nangako naman ang aktres na pagbalik niya sa Pilipinas, balik-trabaho na uli siya. Nakatakda niyang gawin ang remake ng seryeng Pangako Sa ’Yo na pagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Siya ang gaganap bilang Amor Powers sa nasabing soap opera na ginampanan noon ni Eula Valdes habang si Angelica Panganiban naman ang bubuhay sa karakter ni Claudia Buenavista na ginampanan noon ni Jean Garcia.