INAMIN ni Isabelle Daza na may mga pagkakataon na sobra niyang nami-miss ang mga ginagawa niya sa noontime show ng GMA 7 na Eat Bulaga.
May mga araw daw na bigla na lang siyang may maiisip o masasabi na akala niya ay nasa EB pa rin siya. “Nakakaloka, di ba? But I think this is normal naman.
Pag talagang minahal mo ang isang bagay, ganu’n talaga ang magiging effect sa iyo,” sey ng bagong Kapamilya artist na tuwang-tuwa nga na muling nakatuntong sa GMA para sa presscon ng pelikulang “Kubot: The Aswang Chronicles 2”, siya ang bagong leading lady ni Dingdong Dantes sa nasabing MMFF 2014 entry.
Pero ang isa nga raw sa nami-miss niya bukod sa mga katrabaho sa naturang noontime show ay yung pagtu-tutor niya kay Ryzza Mae Dizon sa mga homeworks nito.
Feel na feel daw niya talaga ang pagiging ate kay Ryzza na umaasang parehong kikita ang entry nila ni Dingdong sa filmfest at ang pelikula nina Vic Sotto at Ryzza na “My Big Bossing”.
“This is going to be a fun Christmas and MMFF movie marathon. Pagkatapos ninyong ma-enjoy ang katatakutan at mga nakakakilabot na eksena sa ‘Kubot’, siyempre try ninyo din ang mga fantasy gaya nu’ng kina Bossing at Ryzza, pati na rin ‘yung iba pang entries,” hirit pa ni Isabelle.
At dahil Kapamilya artist na nga siya, nasasanay na raw siya sa mga workshops ngayon gaya ng ginagawa niya for the new ABS series na Nathaniel, kung saan makakasama naman niya si Gerald Anderson, “Bago talaga mag-taping, dapat workshop muna kaya du’n pa lang nate-test na lahat pati na ‘yung pag-break ng wall with co-stars lalo na sa mga intimate scenes,” sey pa ng dalaga.