SA mundo ng showbiz, sa Holywood man o dito sa Pilipinas, ilang sikat na artista ang sinasabing nalaos dahil sa nervous breakdown.
Ang ilan sa kanila ay nakabangong muli, ngunit ang iba ay hindi na nakabawi matapos ang pagkakalugmok ng kani-kanilang career.
Isa na rito ang American singing superstar na si Mariah Carey na nagkaroon ng nervous breakdown noong 2001, nawala sa limelight at kinailangang sumailalim sa professional help dahil umano sa “emotional at physical exhaustion.”
Nagsimula ito nang mag-flop ang kanyang pelikulang “Glitter,” isang semi-biographical na pelikula na siyang naglunsad sa kanya sa pelikula.
Ayon sa mga kritiko, hindi matanggap ni Mariah ang kinahinatnan ng pagsabak niya sa pag-arte matapos masanay sa tagumpay ng kanyang singing career.
Dito sa Pilipinas, ilan lamang sa mga kaso na katulad ni Mariah ay ang singer na si Didith Reyes, na nagpasikat ng classic hit na “Bakit Ako Mahihiya?” Tinagurian si Reyes na jukebox diva noong ‘70s.
Matapos magsarili, sunod-sunod ang mga hit na kanta ni Reyes.
Hindi lamang naging hit ang kanyang mga awitin, umani pa si Reyes ng mga parangal dahil sa kanyang talento sa pag-awit. Noong 1977, napanalunan ni Reyes ang Gold Prize at Best Performance Award sa Tokyo Musical Festival.
Siya rin ang sinasabing naging inspirasyon ng iba pang jukebox queens tulad nina Claire dela Fuente, Imelda Papin at Eva Eugenio.
Subalit dahil sa sinasabing paglaki ng kanyang ulo, pagiging unprofessional, pagkahilig sa lalake at pagiging adik sa alak at droga, nawala siya sa sirkulasyon.
Taong 2000 nang siya ay lumantad at humingi ng tulong. Dumagsa naman ang tulong para sa kanya ngunit huli na para manumbalik ang kanyang career.
Disyembre, 2008 nang matagpuang patay si Reyes sa maliit na bahay ng kanyang kaibigan sa Biñan, Laguna.
Sa edad na 60, pumasok siyang receptionist sa isang beauty parlor bago ang kanyang pagkamatay.
Isa pang artista ang nalaos ay ang bombshell na si Janice Jurado na sumikat noong 80s.
Kagaya ni Reyes, napakaganda ng career ni Jurado nang malulong sa droga at alcohol. Sumikat si Jurado dahil sa kanyang sexy-comedy roles.
Naghirap siya muli at namuhay ng malungkot.
Kamakailan, inamin ni Jurado na siya ay may breast cancer. Sa ngayon, nagtitinda na lamang siya ng barbecue sa Maynila para magkaroon ng pera para sa kanyang medikasyon.
Hindi lang mga babaeng artista sa showbiz ang nakaranas ng nervous breakdown.
Ang komedyanteng si Richie d’ Horsie ay naligaw din ng landas dahil sa kasikatan.
Kaliwa’t kanan noon ang offers kay Richie.
Nagbida na siya mahigit isang dosenang pelikula, bukod pa sa mga palabas sa telebisyon. Dahil dito, namuhay ng mariwasa si Ritchie.
Ngunit gaya nina Reyes at Jurado, nalulong si Richie sa bisyo at nakulong pa ito dahil sa kasong droga.
Napawalang-sala naman siya kinalaunan.
Salamat sa kaibigan niyang si Vic Sotto, muling nakabalik sa showbiz si Richie at nakasama sa mga pelikula ni Bossing at lumabas din sa Eat Bulaga.
Isa rin sa mga nagtagumpay na makabalik sa showbiz ay ang award-winning actress na Gina Pareño.
Nauna siyang nakilala sa mga sexy comedy bago pa man sumikat si Jurado.
Siya ay nadiskubre noong ‘60s at naging maganda ang kanyang career.
Subalit naging pasaway din siya.
Nabuntis noong 1968 bago pa man natapos ang kanyang launching movie na “Mama.”
Matapos manganak, matagumpay naman siyang nakabalik noong 1969 kung saan lumabas siyang kontrabida sa “Si Darna at ang Planetman.”
Napanatili ni Pareño ang kasikatan ng mahigit isang dekada ngunit nalulongg siyang muli sa droga.
Napabalita na nagtitinda na lang siya ng duster sa Baclaran.
Inamin niya sa publiko ang pagkalulong sa droga, kasabay ng paghingi ng pag-unawa sa publiko.
Tinulungan naman siyang maipasok sa rehab center.
Nagsunod-sunod muli ang kanyang pelikula.
Sa ngayon, itinuturing si Pareño na isa sa pinakamatagumpay na aktres sa industriya.
Nanalo din siya ng mga awards sa ibang bansa partikular ang kanyang role sa indie na “Serbis” at “Kubrador.”
Ang mga kaso ng breakdown sa showbiz ay patuloy na nararanasan maging ng mga artista ngayong henerasyon.
Kabilang na rito ang young actress na si Jackie Rice, na nabigyan ng break matapos manalo sa reality-TV talent search na Starstruck.
Sinasabing walang ginawa si Rice kundi mag-party.
Laman siya ng mga bars.
Dahil sa kanyang pagiging pasaway, pinarusahan si Rice ng kanyang mother studio at tinanggalan ng mga proyekto.
Sa tulong ng kanyang talent management company, unti-unti na ulit nabibigyan ng break si Rice, ang pinakahuli ay ang pagbibida niya sa afternoon soap na Sisid ng GMA 7.
Regular na rin siya sa Bubble Gang.
Ang kuwento nina Reyes, Jurado, Richie, Pareño at Rice ay tipikal sa showbiz.
Istorya ng pagpupunyagi, pagsikat at pagkalugmok dahil sa bisyo.
Ngunit hindi kagaya ng pelikula, hindi lahat ay happy ending.
– Inquirer, isinalin sa Filipino ni Bella Cariaso