Eksaktong labindalawang araw bago ang Pasko, makisaya at makikanta sa maagang pamaskong handog mula sa GMA tampok ang isang kuwento ng pag-ibig, pagpapatawad, at pamilya sa two-part Christmas musical-drama special na Himig Ng Pasko.
Mapapanood ngayong Dec. 13 at 20, kaabang-abang sa Himig Ng Pasko ang mga musical number mula sa dating magkarelasyon na sina Regine Velasquez at Ariel Rivera, kasama rin ang Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose.
Kasali rin dito sina Rachel Alejandro, Rita de Guzman, Jeric Gonzales, Gerald Santos at Joey Paras.
Siguradong mapapakanta ang mga manonood sa mga Christmas song na tulad ng “Kumukutikutitap,” “Noche Buena,” “Himig ng Pasko,” “Simbang Gabi,” “Christmas Bonus,” “Jingle Bells,” “Sana Ngayong Pasko,” “Pasko na Sinta Ko,” at ang orihinal na komposisyon na “Hiling” ni Regine.
Tampok sa Himig Ng Pasko ang kuwento ni Belen (Regine), isang OFW na bumalik sa bansa pagkatapos magtrabaho bilang singer ng sampung taon sa abroad.
May tatlong hiling si Belen sa kanyang pag-uwi – ang mapalapit sa anak na si Christiana (Julie Anne), ang buhayin at palaguin ang negosyo ng pamilya na paggawa ng parol, at ang muling maging masaya sa piling ng kanyang high school sweetheart na si Joseph (Ariel).
Alamin kung maisasakatuparan ni Belen ang kanyang tatlong hiling sa musical drama special ng Kapuso network, ang Himig Ng Pasko ngayong gabi na yan, 8:30 p.m. sa GMA.