MAS naging matatag ang relasyon nina Mariel Rodriguez at Robin Padilla bilang mag-asawa nang dahil sa Talentadong Pinoy.
Sa presscon ng Talentadong Pinoy 2014 grand finals nu’ng Miyerkules ng hapon sinabi ng mag-asawa na napakalaki ng naitulong ng pagho-host nila sa reality talent search ng TV5 para mas maging close at ma-appreciate ang love nila para sa isa’t isa.
“Kasi di ba, dahil sa Talentadong Pinoy palagi kaming magkasama? Ano kasi, kapag may taping kami, lagi siyang nauunang pumunta sa TV5, kasi ang aga-aga niyang umalis, e, hindi ko keri. So, susunod na lang ako.
“Pero pag-uwi, sabay na kami, tapos kapag nasa sasakyan na kami, ayun, mag-uusap na kami tungkol sa ginawa naming sa Talentadong Pinoy, magse-share kami ng ideas.
So, yun na rin ang bonding namin. Habang nasa traffic kami, ang dami-dami naming napag-uusapan ni Robin,” esplika ni Mariel na ang ganda-ganda nu’ng gabing ‘yun kahit walang make-up.
Kahit ang co-host nila sa TP na si Tuesday Vargas ay bilib na bilib sa relasyon nina Binoe at Mariel, minsan nga raw ay “naiirita” na siya sa sobrang kaswitan ng dalawa, as in inggit na inggit siya sa samahan ng mag-asawa.
Hirit naman ni Robin, pareho raw kasi silang “baliw” ni Mariel kaya nagkakasundo sila at nasasakyan nila ang ugali ng isa’t isa.Natanong uli si Robin tungkol sa pagkakaroon nila ni Mariel ng sariling anak, pero muli, sinabi ng TV host-actor na wala pa ito sa plano nila, “Hindi pa namin kaya, grabe ang schedule namin, tsaka ayaw ni Mariel nang magyayaya kami kapag may baby na. At alam din niya na busy pa ako sa mga anak ko, sa trabaho.
Ang hirap naman nung mag-aanak lang, ‘tapos hindi mo naman nakikita yung anak mo.” Pero sey ni Binoe, kung sakali baka raw next year planuhin na nila ito ni Mariel kapag wala na silang masyadong pinagkakabisihan, “Sa katunayan nga, namimili na kami ng project kasi kapag hindi namin ‘yun ginawa, baka maghiwalay na kami.
Kailangan taaga yung anak na lang ang iintindihin, wala nang trabaho talaga.” Sa katunayan, ayaw na raw tumanggap ngayon ng teleserye ni Robin dahil nakakabaliw daw talaga ang halos araw-araw na taping.
“Ayoko nang tumanggap ng teleserye. Iba kasi ang sistema, 36 hours minsan ang trabaho nu’n. No way! Kasi nu’ng nagsunud-sunod ako ng teleserye, nag-away kaming dalawa. Ayoko nang maulit ‘yon,” paliwanag ni Binoe.
Samantala, maglalaban-laban na ang pitong Hall of Famers ng Talentadong Pinoy 2014 ngayong Sabado para sa isang gabi ng showdown kung saan ipapakita nila ang kani-kanilang unique talents upang mapatunayan na karapat-dapat silang tawaging Ultimate Talentadong Pinoy 2014 at mag-uwi ng P1 million grand prize.
Maghaharap sa unang pagkakataon ang pitong Hall of Famers ng longest running talent show sa TV, kung saan sila magpapasiklaban ng kani-kanilang talento.
Una na rito ang 17-member group na Tazmania ng Cavite na magpapamalas ng mga bago nilang dance moves na nagpapatunay na sila nga ang tazmanian devils ng dance floor.
Muli ring makikita sa stage si Lariza Jane Cabaltierra ng Quezon City, o mas kilala bilang MIZTIQ, na susubukang masungkit ang boto ng audience at talent scouts sa pamamagitan ng kanyang aerial dancing talent.
Samantala, ipapamalas naman ng Davaoeño Hall of Famer na si Neil Rey Garcia ang natatangi niyang galing sa beat boxing habang susubukan niyang talbugan ang iba pang mga kalaban. Sigurado namang mapapamangha ng BMG Wheelchair Dancesport ang mga manonood sa oras na patunayan nila na ang pagsasayaw ay isang talentong nagmumula sa determinasyon at puso.
Mas paiinitin pa ng Talentadong Pinoy 2014 Hall of Famers ng Oriental Mindoro na sina Florendo at Joseph Mayo o “Bonfire” ang gabi sa pamamagitan ng isang intense na “poi-dance” routine.
Titiyakin naman ni Amaya Isabel Gonzalez ng New Manila na lahat ng tao ay mamamangha sa kanya lalo na kapag ipinakita na niya ang galing nya sa “aerial hoop”.
Hindi rin naman magpapahuli ang Escapade Blazing Color Guards ng Pasig City sa kanilang matinding routine habang sinusubukan nilang makuha ang boto ng mga talent scouts.
Sino nga kaya ang tatanghalin bilang Ultimate Talentado? Ang kani-kanilang mga pasabog na talento ay masusing daraan sa panel ng mga talent scouts na binubuo nina Ms. Pilita Corrales, Jaya, Jasmine Curtis-Smith, Richard Gutierrez, Cherie Gil, Gelli de Belen at Charice.
Mas lalo namang magiging espesyal ang gabi sa special performance nina Jaya, Chadleen, Zendee Rose at Charice. Sa pangunguna ni Robin Padilla bilang host, kasama sina Mariel at Tuesday bilang co-hosts, ang Talentadong Pinoy 2014 Grand Finals Night ay mapapanood ngayong Sabado, 7 p.m., sa TV5.