ILANG araw bago mag-landfall si “Ruby” sa Dolores, Eastern Samar, magkakaibang prediksyon ang ibinigay ng Philippine Atmospheric, Geophysical. Astronomical Administration (Pagasa), Joint Typhoon Warning Center (JTWC) ng Amerika at Japan Meteorological Agency (JMA), HK, China, Taiwan at South Korea.
Sari-saring prediksyon ang ibinalita. Meron aabot daw ang lakas nito ng 300 kph (1-minute interval) na may kasama pang storm surge o daluyong na 18 feet pataas. Mula sa Guam, tumahak si “Ruby” sa bilis na 30 kph at mistulang huminto malapit sa Borongan ng halos 10 kph, na parang nag-iipon ng lakas bago tuluyang maminsala.
Nagdasal para sa milagro ang sambayanang Pilipino at tila napakinggan naman ito ni Lord, dahil sa halip na lumakas, humina si “Ruby” dahil sa idinulot na malamig na Northeast Monsoon o hanging amihan.
Si Ruby ay naging “typhoon” na lamang nang mag-landfall.
* * *
Dalawang insidente sa Pagasa ang mahirap makalimutan sa pagsubaybay kay “Ruby”. Alas-8 kamakalawa ng gabi, inihayag ni Pagasa forecaster Jory Lois na si “Ruby” ay nasa layong 55 kilometers sa silangan ng Dolores. Bandang 8:42 pm naman, sinabi ni Project Noah Director Mahar Lagmay na nag-landfall na si “Ruby” sa Dolores.
Binatikos tuloy sa social media at sa mga balita ang magkakaibang pahayag ng mga opisyal ng Pagasa. Nag-landfall na ba o hindi pa? Paano mag-lalandfall kung 55 kilometers pa ang layo nito sa Dolores at ang bilis naman ay 15 kph lamang?
Sabi ni Prof. Lagmay, “Doppler radar interpretation” ang pinagbasehan niya at nagsabi na hintayin na lang ang opisyal na pahayag ng Pagasa. Kaya naman, alas 9:15 pm, idineklarang nag-landfall na ang bagyo sa Dolores para matapos na ang mga pagtatalo.
Pero, tanong ko naman, kung dakong 8pm ay nasa 55 kms pa si Ruby sa Dolores, ayon sa Pagasa, paano siya nag-landfall makalipas lamang ang 1 oras at 15 minutos? Lumipad si “Ruby” ng 55kph? O baka naman may nagkamali lang talaga?
Isa pang kapalpakan ay nang sabihin nitong si Pagasa deputy Director Landrico Dalida Jr. na ang estimated time nang pagdating ni “Ruby” sa Albay ay 10pm kamakalawa. Dahil dito, nagkalituhan ang mga local officials sa naturang lalawigan pati mga mamamayan ng Albay, kaya’t humingi ng klaripikasyon si Governor Joey Salceda. Umamin naman ng pagkakamali si Dalida at itinuwid ito at sinabing alas-8 ng umaga kinabukasan darating sa Albay ang bagyo.
* * *
Nabalitaan niyo rin ba ang pagmamalaki nitong si DOST secretary Mario Montejo na mas accurate raw ang Pagasa kaysa sa JTWC ng Amerika at JMA ng Japan? Kasi mas malapit sa aktuwal na “track” ang forecast ng Pagasa kasya sa dalawang ito. Dahil daw ito sa magagaling nating mga meteorologists.
Hindi ko mapigilang mapikon sa ganitong mga opisyal ng gobyerno na inuuna ang yabang kaysa sa trabaho. Oo nga’t pinagtatanggol niya ang mga local meteorologists, paano naman yung kalituhan sa “landfall” sa Dolores at palpak ni Dalida?
Ang inaasahan talaga ng taumbayan ay lalo pa silang gumaling sa pagtatrabaho lalo ngayon na binadyetan nang husto ang kanilang equipment at facility.
Saan ka naman nakakita ng ganitong malakihang pera na galing sa DAP at sa taunang budget? Mula sa dating P12.12 bilyon noong 2014, gagawin na itong P19.35 bilyon sa darating na taon o may increase na P17 bilyon o halos 60 porsyento.
Noong 2009, ang budget ng DOST ay halos P5 bilyon lamang.
Talaga pong mala-Ondoy ang pagbaha ng pera diyan sa DOST at Pagasa kaya naman umaasa tayong lahat na mapapakinabangan natin ng husto ang kanilang trabaho lalo sa panahon ng kalamidad. Kaya naman, DOST Secretary Montejo, pwede bang wag na munang magyabang, trabaho na muna? At please, wag sanang mahocus-pocus ang aming mga buwis sa inyong ahensya. Masakit isipin na binabagyo na tayo, nakukupitan pa!