NEW York City, USA — Isa kami sa nakipila sa broadway show ng Australian Hollywood actor na si Hugh Jackman na may titulong “The River”.
Kasama ni Hugh dito sina Laura Donnelly and Cush Jumbo na idinirek ni Ian Rickson na ginanap Circle in the Square, 50th Street West of Broadway, New York NY noong Biyernes ng gabi.
Isa rin sa dahilan kung bakit nagpunta ng New York ang mag-iinang Sylvia Sanchez, Ria Atayde at Arjo Atayde ay dahil kay Hugh Jackman na mas kilala ng mga Pinoy bilang si Wolverine, talagang gusto nila itong napanood sa “The River”.
Sa katunayan muntik pa silang maubusan ng ticket (na may halagang $236 each). Lima kami kami kaya umabot din sa $1,180 ang ticket na kinuha nila.
In fairness, sulit naman ang panonood namin ng “The River” dahil kay Hugh, napakahusay din pala bilang stage actor kaya mas lalo kaming bumilib sa kanya as a performer.
At nang magpapa-picture na kami sa Hollwood superstar ay biglang nagsabi si Ibyang na lumipad pa sila ng New York mula Pilipinas para manood ng show, sabay pakilala sa kanyang mga anak kay Hugh.
Nagulat kami sa naging sagot ng sikat na sikat na aktor sa buong mundo, “Oh, from the Philippines. I’m worried about the Philippines tonight because there’s typhoon, right?”
Sa totoo lang kami ang naging speechless sa taong yun. At sa aktong kukunan na ng litrato sina Ibyang at Hugh ay napansin naming starstruck at speechless ang aktres na kilalang madaldal at maingay kaya’t napangiti si Hugh at siya na mismo ang yumakap sa aktres.
Next na nagpakuha ay ang anak niyang si Ria na hindi napigilan ang sarili at nag-dialogue ng, “Oh my God, I think I’m going to faint!” na sinagot naman ng at Hollywood actor ng, “No you’re not” sabay kabig sa dalaga.
Sumunod na nagpa-picture si Arjo at dito na binanggit ni Ibyang na, “He’s an actor also in the Philippines and he likes you a lot.” Inabot ni Hugh ang kamay niya kay Arjo at sabay sabing, “Goodluck in your acting and be real.”
At dahil sa narinig ay natululala rin ang aktor, sino ba naman ang hindi, akalain mo, sikat at premyadong aktor sa Hollywood ang nagpayo sa kanya at higit sa lahat, galing mismo sa isa sa mga idol ni Arjo ang nagsabi.
In fairness, super bait ni Hugh Jackman, wala siyang kayabang-yabang. Imagine, nu’ng pinapalabas at pinipigilan na kami ng bodyguards niya ay nagsabi ang Hollywood actor ng, “It’s okay, let them.”
Siyempre hindi na rin namin pinalampas ng kaibigan at katotong Rohn Romulo ang pagkakataon na makapagpapiktyur kay Wolverine.