Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Kia vs NLEX
5:15 p.m. Barangay Ginebra vs Rain or Shine
Team Standings: San Miguel Beer (8-2); Rain or Shine (8-2); Alaska Milk (8-3); Talk ‘N Text (8-3); Barangay Ginebra (6-4); Globalport (5-5); Meralco (5-5); Purefoods Star (5-5); Barako Bull (4-6); NLEX (3-7); Kia (1-9); Blackwater (0-10)
NAKAHANDA ang Rain or Shine na dumiretso sa semifinal round sa pagtatagpo nila ng crowd-favorite Barangay Ginebra sa 2014-15 PBA Philippine Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa alas-3 ng hapon na opener, mamamaalam ang Kia Sorento sa una nitong torneo sa pro league sa sagupaan nila ng NLEX Road Warriors.
Nakabawi ang Elasto Painters sa anim na puntos na kalamangan ng Alaska Milk sa huling tatlong minuto at nagwagi, 98-95, para sa ikaanim na sunod na panalo at 8-2 record. Nasa unang puwesto ngayon ang Rain or Shine kasama ng San Miguel Beer.
Tinalo rin ng Barangay Ginebra ang Alaska Milk, 101-92, noong Miyerkules para sa 6-4 record. Nais ng Gin Kings na tapusin ang elims sa pamamagitan ng panalo upang siguraduhin ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Kung matatalo ang Rain or Shine mamaya at matatalo rin ang San Miguel Beer sa wala pang panalong expansion ballclub Blackwater Elite sa Martes ay magkakaroon ng four-way tie para sa unang puwesto sa pagitan ng Elasto Painters, Beermen, Alaska Milk at Talk ‘N Text na magtatapos sa 8-3 records. Gagamitin ang quotient system upang madetermina ang didiretso sa semis.
Nagbida para sa Rain or Shine sa laban kontrra Alaska Milk ang rookie na si Jericho Cruz na nag-follow-up ng mintis ni Jeff Chan at pagkatapos ay nagpasok ng isang fastbreak layup mula sa pasa ni Paul Lee sa endgame.
Si Rain or Shine coach Yeng Guiao ay patuloy na aasa sa mga national players na sina Paul Lee, Gabe Norwood, Beau Belga at Chan.
Nasa panig ng Barangay Ginebra ang height advantage sa pagtutulungan nina Greg Slaughter at Japeth Aguilar na sinusuportahan nina LA Tenorio, Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand at Chris Ellis.
Ang Kia Sorento, na hawak ni playing coach Manny Pacquiao, ay may 1-9 record at tuluyan nang nalaglag sa kumperensiya kasama ng Blackwater.
Ang NLEX, na nasa ikasampung puwesto sa record na 3-7, ay pinamumunuan nina team captain Paul Asi Taulava, Mark Cardona, Niño Canaleta, Aldrech Ramos at Enrico Villanueva.