Marian napaiyak sa regalong bridal shower ng Eat Bulaga

marian rivera
NAPAIYAK si Marian Rivera habang nagpapasalamat sa ibinigay na bridal shower sa kanya ng Eat Bulaga kahapon. Ayon sa TV host-actress, dahil daw sa pagiging dabarkads niya sa noontime show ng GMA 7 ay mas marami nang Pinoy ang nakaka-appreciate sa kanya, at mas napalapit pa raw siya sa masa dahil nga sa pagsugod nila nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros sa iba’t ibang barangay.

Sey pa ni Marian, ni-request daw niya talaga sa GMA 7 na sana raw kahit na may asawa na siya at magkaroon ng teleserye ay makapag-Eat Bulaga pa rin siya kahit isang beses lang sa isang linggo.

Aniya pa, sa Eat Bulaga raw talaga niya naipapakita kung sino talaga siya dahil wala raw ditong script, walang pretension. “Kung ano ako sa totoong buhay, yun din yung nakikita nila dito sa Juan For All, All For Juan.”

Ayon pa kay Marian, nagpapasalamat siya sa lahat ng bumubuo ng Eat Bulaga dahil kahit daw bago pa lang siya sa programa ay ipinaramdam agad sa kanya ng mga dabarkads ang totoo at sinserong pagmamahal.

Pagkatapos namang magsalita ni Marian, humirit naman si Jose at nagsabing, “Nu’ng sabihin sa amin na may makakasama kaming bago sa Juan For All, All For Juan at si Marian nga raw, maraming nagtanong kung ‘kaya ba niya?’ At napatunayan naman ni Marian na kayang-kaya niya.”

“Si Marian kasi totoong tao yan,” dugtong pa ni Jose. In fairness naman kay Marian, talagang mas dumami pa ang fans niya mula nang mapasama siya sa Eat Bulaga, at ilang beses na rin niyang napatunayan ang kanyang pagiging natural na komedyante dahil na rin sa magandang samahan nila nina Jose, Wally at Paolo.

Read more...