MEME na, Noynoy. Babay na. Inilaglag ka na ng tiyo at tiya mo na sina Peping at Tingting Cojuangco dahil ang gobyerno mo ang pinaka-korap.
Mantaking ang anak pa nina Ninoy at Cory ang magpapalakad ng gobyernong pinaka-korap?! Hindi nakapagtataka dahil bukod sa BS Aquino siya ay BS (budget secretary) Abad pa ang kasama niya at ang magnanakaw na mga senador at kongresista, na karay-karay niya sa tuwid na daan.
Bago naganap ang huling ratsada ng National Transformation Council sa Clarkfield, Pampanga, ay napuna ng mga reporter na madalas ay nag-iisa na lang ang Ikalawang Aquino at wala na ang pila ng mga sipsip na nanghihingi ng pabor at pera, lalo na ang may nakabimbing malalaking kaso sa Korte Suprema. Ganyan talaga kapag babay time na.
Magkano ba ang ninakaw na pera ng taumbayan ng gobyernong Aquino? Sa kuwenta ni Francisco Tatad, aabot ito ng P1 trilyon dahil sa santambak na kontrobersiya at lihim na paggasta ng Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program. Sa DAP pa lamang ay daang-bilyones na ang di malaman kung saan napunta, basta ang iginigiit ni Aquino ay may napuntahan daw.
Nanggaling na ang bansa sa Marcos resign, Cory resign, Erap resign, Gloria resign. Ngayon ay Aquino resign na, na iginigiit na rin nina Peping at Tingting, susme.
Hindi na nagtatrabaho ang gobyerno dahil abala ito sa pagnanakaw ng pera ng taumbayan, na isasagawa hanggang sa kampanya ng eleksyon sa 2016. Di ba’t ngayon pa lamang ay bumubuhos na ang pera para siraan ang mga kalaban sa halalan? O tanging ilang miyembro pa lamang ng National Press Club ang nakaaalam nito?
Hiniling nina Jonathan de la Cruz at Lito Atienza na magdaos ng tanging Misa ang Santo Papa para sa magnanakaw na mga senador at kongresista, sa pag-aakalang mabawasan man lang ang bigat na dinadala dahil ang kanilang pinagnakawan ay ang arawang obrero’t mahihirap. Mali, hindi mababawasan ang kanilang santambak na mga kasalanan.
Nasa Biblia’t mga Ebanghelyo na ang magnanakaw na mga senador at kongresista ay hindi makaaakyat sa langit. Kung mabawasan man ang kanilang mga kasalanan ay kailangan silang dumaan sa purgatoryo para pagdusahan ang mga kasalanan.
Hindi sapat ang pagdarasal ng kanilang pamilya para agad na mahugasan ang kanilang mga kasalanan habang nagdurusa sa purgatoryo. Matagal na panahon ng pagdarasal at debosyon sa mga kaluluwa ang kailangan bago pumasok sa proseso na aakyat na sila sa langit.
Sisilipin pa sila ng Mahal na Birhen Maria, ang tanging nakabababa sa purgatoryo. Ang Birheng Maria lamang ang makapagpapasya kung nalinis na’t tuluyang napagsisihan ang mga kasalanan.
Sa purgatoryo ay may kaluluwa rin ng mga pari na hindi kayang pagbayaran ang malalaking kasalanan na nagawa habang sila’y nabubuhay pa sa mundo. Binabanggit sa Panalangin sa mga Pari ang paghingi ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan para makaalis na sila sa purgatoryo. Pero, hindi pa rin magiging madali ang kanilang pag-alis dito.
Si Dimas ay madaling isinama ng Panginoon sa kaharian dahil si Dimas, na “maliit” na magnanakaw lamang, ay nagsisi. Malaki ang ninakaw ng mga senador at kongresista at kahit na sila’y magsisi sa harap ng Santo Papa ay hindi mabubura ang bilyones na kanilang ninakaw sa PDAF at DAP.
Ang pagdarasal at debosyon sa kanilang mga kaluluwa ay habambuhay na gagawin ng kanilang mga pamilya’t kamag-anak. Kung patay na ang kanilang pamilya’t kamag-anak ay wala nang magdarasal para sa kanila at wala na ring debosyon na gagawin gabi-gabi.
Kung wala nang magdarasal para sa magnanakaw na mga senador at kongresista ay mabubulok na sila sa purgatoryo. Tanging sa pamamagitan ng dasal at debosyon lamang maihahango ang kaluluwa sa purgatoryo.
ANUMANG oras ay may access si MMDA Chairman Francis Tolentino sa live media. Malakas talaga siya kahit na siya ang dahilan kung bakit barado na ang lahat ng kalye sa Metro Manila. Sa National Press Club ay alam nila kung bakit malakas si Tolentino.
Isa sa pinakamahirap na pamilya na makakasalo ng Santo Papa sa pagkain ay mula sa Phase 8-A Bagsak, Bagong Silang, Caloocan City, na di kayang magbayad ng kuryente at tubig; at pinulot na karton ang higaan.
MULA sa bayan (0906-5709843): Sana ay huwag nang buwisan ang perang napanalunan ni Pacquiao sa labas ng bansa. Dapat ay bigyan pa siya ng incentive ng gobyerno dahil sa malaking karangalan na ibinigay niya sa bansa. Marami naman siyang mga negosyo na binubuwisan at nagbibigay ng trabaho sa mahihirap. Dods, 54, ng Tacurong City