Mister na OFW gustong i-audit si misis

NAGSUMBONG sa Bantay OCW si Marjorie tungkol sa asawang OFW.

Kwento niya na bago pa makapag-abroad ang mister na si Edwin ay wala itong trabaho sa Pilipinas at siya ang nagtataguyod sa pamilya.

Solo aniya siyang kumakayod para sa tatlong anak na nag-aaral.

At dahil rin sa kanyang pagsisikap ay nakapag-produce siya nang sapat na halaga para sa placement fee ni Edwin upang makapag-abroad.

Ito ay mula sa kanyang ipon at iniutang para sa kabuuang halagang kailangan ng mister.

Ngayong si Edwin na ang nagtatrabaho, ramdam ni Marjorie, ay palagi siyang pinaghahanapan ng asawa.

Anya, kung kukuwentahin din ang padala ng mister ay kulang pa ito. Pakiramdam tuloy niya ay para raw siyang pinagmamalakihan pa ng asawa ngayong siya na ang kumikita.

Gusto kasi ni mister na isa-isang sinasabi ni Marjorie ang lahat ng pinagkakagastusan nila, na ikinagagalit naman ni misis dahil alam naman nito na sagad-sagaran din naman ang padala ng asawa.

Payo ng Bantay OCW kay Marjorie, alang-alang sa kapayapaan nilang mag-asawa, magkaroon sila ng bukas na komunikasyon at maging handang magparaya lalo pa’t wala namang naikukumpromiso ang naturang kahilingan.

Gasino naman bang maglista na lang, ipakita kay mister na kulang pa nga ang kaniyang pinadadala at siya na rin ang nagpupuno ng iba pa.

Madali namang maintindihan iyon ng bawat isa lalo pa’t aalisin nila ang mga galit sa kanilang puso, pagdududa at masamang mga kaisipan laban sa isa’t-isa.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870

Read more...