PhilHealth benefits di magamit dahil kulang sa kontribusyon

MAGANDANG araw sa inyo, Aksyon Line.

Gusto ko pong malaman kung meron ba talagang provision sa PhilHealth na kung maantala ang paghulog sa buwanang kontribusyon ay hindi na maaring makapag-avail ng Philhealth benefits?

Ako po ay dating member ng Philhealth bilang volunteer. Mahigit isang taon akong naghuhulog pero nang lumipat kami ng tirahan medyo nakaligtaan ko pong maghulog. Sa hindi inaasahang pangyayari ay nagkasakit ang aking anak at ito ay na-admit ng apat na araw sa isang pribadong hospital sa Butuan City.

Nang ako ay magbayad ay tinanong ako ng cashier kung may PhilHealth ako. Ibinigay ko ang PhilHealth number ko pero sinabi ng cashier na hindi na raw ako makaka-avail dahil di ko nabayaran ang buwanang kontribusyon. Nagpunta po ako sa PhilHealth Butuan at ang sabi sa akin ay iba na raw ang makikinabang sa kontribusyon ko. Tama po ba yon?

Gumagalang,

Benjie A. Manabat

REPLY: Magandang araw po.
Nais po naming linawin na ayon po sa Implementing Rules and Regulations o IRR ng Republic Act 10606, kinakailangan po na ang isang miyembro ay aktibong nagbabayad ng kontribusyon, maliban sa mga kasapi ng indigent at Sponsored Program na kung saan ang gobyerno o sponsor ang siyang nagbabayad ng premium nito at ang Lifetime Member Program na hindi na kailangang magbayad ng premium, upang maging kwalipikado para sa benepisyo ng PhilHealth.

Ayon sa batas, kinakailangan po ng hindi bababa sa tatlong buwan na kontribusyon sa loob ng nakalipas na anim na buwan bago ang buwan ng paggamit upang ma-kagamit ng benepisyo ng PhilHealth ang isang miyembro o kwalipikadong dependent nito.

Sana po ay nabigyang-linaw namin ang inyong katanungan. Para po sa iba pang impormasyon, bukas po ang aming mga tanggapan para sa inyo o bisitahin ang aming website www.philhealth.gov.ph o mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph. Maraming salamat po.

CORPORATE ACTION CENTER
Website: www.philhealth.gov.ph
Twitter: @teamphilhealth
Facebook: www.facebook.com/PhilHealth
Call Center: 441-7442
vvv

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
vvv
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.vvv.

Read more...