Bakit kailangan pang pumanig ang Palasyo?

PALACE backs mauled MMDA enforcer—headline sa Metro section ng INQUIRER kahapon.

But of course!

Bakit kailangan pang sabihin ng Malakanyang na pinapanigan nito ang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na si Jorbe Adriatico na binugbog ng may-ari ng Maserati, isang napakamahal na sports car?

Si Adriatico ay binugbog, kinaladkad ng kotse ni Joseph Russel Ingco, na nakatira sa New Manila, isang lugar ng ubod ng mayayaman sa Quezon City.

Sinita kasi ni Adriatico si Ingco nang lumabag ng batas trapiko ang huli.

Nagalit si Ingco sa pagsita ni Adriatico at kinulata ang traffic enforcer.

Ilang araw matapos mailathala ang pangyayari at nakilala si Ingco, saka lamang siya lumabas at nagbigay ng kanyang panig.

Kasama pa ni Ingco ang kanyang abogado.

Pinuna ng Palasyo na naghintay ng matagal na panahon bago lumabas si Ingco.

“It seems that he waited a long time to admit his involvement and evading the issue will not help in providing the right information on what really happened,” ani Communications Secretary Sonny Coloma.

Oo nga naman. Kung walang kasalanan si Ingco bakit matagal siyang lumantad at magbigay ng kanyang panig?

Dapat ay sampahan ng mga mabibigat na kaso si Ingco, gaya ng assault upon an agent of a person in authority at serious physical injuries, upang siya’y magtanda at huwag pamarisan ng ibang mayayaman at maimpluwensiyang tao.

Kung hindi siguro mayaman at maimpluwensiyang tao si Ingco, di na sana nagsalita ang Malakanyang.

Pero bakit nga ba kinakailangan pang maglabas ng press release ang Makanyang at magsabi na pinapanigan nito ang traffic enforcer?

Hindi ba overkill o over-acting naman ang ginawa ng Malakanyang?

Kahit ba mayaman at malakas sa mga awtoridad si Ingco, so what? Dapat ay ipatupad ang batas kahit sino man ang sangkot.

Nobody is above the law.

Marami pa raw ibubunyag si dating Makati Vice Mayor Nestor Mercado laban kay Vice President Jojo Binay na kanyang naging amo nang ang huli ay mayor pa ng Makati City.

Si Mercado noon ay vice mayor ni Binay.

Magkasangga at matalik na magkaibigan si Mercado at Binay hanggang sa di tinupad ng huli na susuportahan niya si Mercado na maging successor niya.

Dalawang beses kasi na ginawang tanga ni Binay si Mercado.

Sa unang pagkakataon, pinatakbo sa pagka-mayor ni Binay ang kanyang asawa na si Elenita sa halip na si Mercado.

Pinalagpas ni Mercado ang hindi pagtupad ni Jojo Binay sa kanyang pangako sa unang pagkakataon.

Pero ginawa na naman niyang tanga si Mercado nang pinatakbo niya ang kanyang anak na si Junjun, na ngayon ay mayor ng Makati, sa halip na si Mercado.

Tumakbo si Mercado laban kay Junjun, pero siya’y natalo.

Dahil masama ang loob ni Mercado, nagsalita na ito laban sa mga Binay.

Maraming alam si Mercado tungkol sa kasuwapangan ng mga Binay sa kuwarta na naging dahilan sa malakihang pangungurakot nila sa kaban ng bayan sa Makati.

Kaibigan ko si Mercado noon pa man. Nang sila’y magkadikit pa ni Binay, biniro ko siya kung may alam siya tungkol sa mga anomalya na ginagawa ni Jojo Binay sa Makati City Hall.

Ngumiti lang si Mercado, ngiting aso. Ayaw niyang magsalita siyempre.

Pero nang inimbestigahan na si Binay ng Senate blue ribbon subcommittee tungkol sa overpricing sa pagpapatayo ng Makati City Hall, inudyok ko si Mercado na tumestigo sa pamamagitan ng aking columns dito sa Bandera at sa INQUIRER.

“Alam mo, Mon, naglakas ng loob na akong lumantad dahil sa sinulat mo sa iyong column (sa Bandera at INQUIRER) na marami akong alam tungkol kay Jojo,” sabi ni Mercado sa akin sa telepono.

Nakasisiguro tayo na nagsasabi si Mercado ng totoo dahil matagal niyang kasama at kakuntsaba si Binay sa mga katiwalian sa Makati.

Read more...