Wish ni Vhong sa Pasko: Mas matatag na pamilya!

showtime cast

Matapos tanghaling Best Variety Show sa katatapos lang na PMPC Star Awards for TV ang It’s Showtime, hiling ng mga hurado-turned-hosts nito na mas lalo pang mamayagpag ang programa upang tuloy-tuloy silang makapagpasaya at makapagbigay- inspirasyon sa madlang people.

“Sana po habambuhay ang Showtime!” ani Ryan Bang nang tanungin kung ano ang Christmas wish niya.  Sabi naman ni Jhong Hilario, “Sana dumami pa ang projects namin at mas marami pa kaming ma-inspire na mga Filipino.”

Para sa pamilya naman ang Christmas wish ng iba pang hosts tulad ni Billy Crawford na hangad ang mabuting kalusugan ng ama. Ang girlfriend naman niyang si Coleen Garcia at co-host na si Teddy Corpuz ay kaligayahan at kaligtasan ng mga mahal sa buhay ang priority.

“Dasal ko na maging matatag ang samahan namin ng pamilya ko lalo ngayon na may pinagdadaanan kami,” biahagi ni Vhong Navarro, na hangad din ang tuluyang pagbangon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Para naman kay Anne Curtis, ang Pasko ay para sa lahat ng mga bata na gusto niyang makadama ng “utmost happiness and love” ngayong Pasko.

Todo naman ang pagpupursigi ni Jugs Jugueta para sa pinag-iipunang condo unit para sa kanila ng kanyang fiancee, habang si Karylle ay excited sa first time niyang pagdiriwang ng Pasko bilang Mrs. Yael Yuzon.

Samantala, maagang holiday gift din mula sa Star Awards for TV ang nakuha ng It’s Showtime co-hosts na sina Vice Ganda na hinirang bilang Best Male TV Host para sa nasabing noontime show at Best Celebrity Talk Show Host para sa Gandang Gabi Vice, at si Kuya Kim Atienza bilang Best Educational Program Host para sa Matanglawin.

Makisaya sa buong barkada ng It’s Showtime, 12:15 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes at 12 ng tanghali tuwing Sabado sa ABS-CBN.

Read more...