EDITORIAL: Trudis Liit vs Anak ni Panday

LUMULUTANG ang usap-usapan hinggil sa napipintong banggaan nina Senador Grace Poe at Batangas Gov. Vilma Santos sa pagka bise presidente sa darating na 2016 national elections. Maraming political observer ang nagsasabi na kaabang-abang at talaga namang kapana-panabik ang labanang Grace at Vilma sakaling magkatotoo nga ito.

Bukod sa dalawang babae ang magtatapat sa pagka bise presidente ng bansa, dalawang pangalan din ito na maituturing na malaki ang koneksyon sa showbiz – si Vilma na tinaguriang Star For All Season at unang nakikila at hinangaan sa kanyang pag-arte bilang si Trudis Liit habang si Grace naman bilang anak ng Hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr.

Walang halos itulak o kabigin kung pagpipilian mo ang dalawang ito. At kung sakali ngang maganap ang banggaan ng dalawa, tiyak na mahahati ang boto ng masa at maging ng mga nasa showbiz industry.

Siguradong wala nang ibang susuportahan ang mga Vilmanians kundi si Ate Vi at ang mga nagmamahal naman kay FPJ ay tiyak ding hindi paaawat na suportahan ang anak ni Panday (tawag din kay FPJ) na si Grace. Mabigat at mahigpit ang magiging laban ng dalawang ito sakaling matuloy ang Vilma vs Grace sa pagka bise presidente sa 2016.

Kung may bulto ng boto na inaasahan si Vilma na manggagaling sa lalawigan ng Batangas, ang boto naman ng mga mahihirap lalu na sa Tondo ay hindi magpapahuli para kay Grace. Tulad ng pelikula ni FPJ, tiyak na maghuhumiyaw ang mga katagang… “Sa’yo ang Batangas, Akin ang Tondo!”

Pero higit na mabigat ang usapin sa banggan nina Vilma at Grace ay ang kanilang performance bilang mga kasalukuyang opisyal ng pamahalaan, bilang gobernador at senador. Hindi na matatawaran ang mga nagawa ni Vilma sa kanyang mga constituents sa Batangas. Ilang beses na siyang tumakbo sa pagka-gobernador at ipinakita ng mga Batangueno kung gaano nila kamahal si Vilma. Hindi pa siya natalo.

Si Grace, bagamat baguhan sa Senado, masasabing nagpakita na rin ng kanyang galing lalu na sa mga imbestigasyong kanyang hinawakan. Naipasa na niya sa Senado ang FOI bill pero hindi ganap ang tagumpay nito hangga’t hindi ito nagiging batas.

Marami ang nagsasabing nakalalamang si Vilma kung matutuloy ang laban nila ni Grace. Bukod sa matagal ng pulitiko si Vilma, bihasa na rin ito sa mga intriga at gusot sa pulitika. Sa tulong din ng kanyang kabiyak na si Sen. Ralph Recto, hindi matatawaran ang koneksyon ni Vilma sa mga local politicians sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Pero kwidaw si Vilma kay Grace. Hindi pwedeng maliitin ang iniwang ala-ala ng ama nitong si Da King FPJ. Ito ang magdadala ng “magic vote” para kay Grace lalu na sa Mindanao kung saan solid ang boto ng mga kapatid na Muslim kay Grace.

Kung matatandaan naging number one si Grace noong nakaraang senatorial elections at yan ay dahil sa ama nitong si FPJ.
Ang boto ng mahihirap ay laging nakataya kay FPJ at ito ang magiging lamang ni Grace kapag tumakbo ito sa bise presidente laban kay Vilma.

Read more...