CCTV sa presinto madaliin na | Bandera

CCTV sa presinto madaliin na

Jake Maderazo - December 01, 2014 - 03:00 AM

PAGSAPIT ng Enero, 2015, lahat daw ng limang police district headquarters at 28 police community precincts (PCP)  sa buong Metro Manila ay kakabitan na ng mga CCTV camera. Ayon sa plano ng DILG-PNP, tig-tatlong CCTV camera ang ilalagay sa bawat presinto, isa sa front desk, isa sa “general area” ng mga pulis at isa naman sa pasukan at labasan. Gusto raw malaman ng PNP kung paano tratuhin ng mga pulis ang mga mamamayang pumapasok ng presinto. Dapat lang, sa palagay ko, lalot  mga Presinto Kwarta, ang karaniwang tawag dito ng mga tao. Puro kasi perwisyo at di serbisyo ang ibinibigay ng mga pulis, lalo na yung mga “magsasaka” na walang kayang gawin kundi magtanim ng ebidensya para makadelihensiya. Balitang balita diyan ang mga  presinto sa Quezon City, gaya ng Laloma (droga at kidnap), Baler (maraming karnaper), Cubao (pugad ng pandurukot), Novaliches (akyat bahay at holdap)  at Balintawak (holdap at snatching). Sa Lungsod ng Maynila,  iniiwasan ng taumbayan ang mga pulis sa Station 9-Ermita (mga kidnap-hulidap at taniman ng droga), Station2 –Tondo na hinahagisan ng Granada ngayon dahil sangkot din sa droga, Station4-Sampaloc-University belt na talamak din sa droga at prostitusyon. Pati  anti-carnapping task force ng MPD ay sangkot din sa extortion ng mga dayuhan kamakailan. Isama na natin diyan ang mga sunud-sunod na krimen sa Pasay City police station, ang sindikato ng mga pulis na pumuproteksyon sa mga holdaper at snatcher. Sa mga presinto nagkakaroon ng takutan hanggang ang mga biktima nila ay bumigay o pumayag sa kanilang hinihingi.  Kundi man, ikukulong muna ang biktima, dinadala nila ito sa loob ng mga upisina para makipagnegosasyon sa kanilang pamemera. Kung magkakaroon ng CCTV sa  mga presinto, lahat ng transaksyon ng mga pulis, kasama na ang mga dumarating at umaalis na mga suspek at maging lahat mga bisita sa mga presinto ay aktwal na makikita. Kahit papaano ay magkakaroon na ng transparency sa mga presinto at maeengganyo na ang mamamayan na nagtungo roon para magreklamo o humingi ng tulong. Dapat ay high resolution ang gagamiting CCTV with point to zoom at full audio lalot P4.9 milyon ang budget dito.  Pag nagkataon, lahat ng pag-uusap sa presinto ay pwede nang mai-rekord. Dapat naka-network pa ito sa DILG o sa PNP-NCR para mistulang kasali sa Big Brother ang mga pulis na nasa presinto.  Masamang balita ito sa mga corrupt at criminal na mga pulis pero isang magandang balita ito sa mamamayan. Plano rin na ang mga blotter ng pulis ay computerized at ipapasok sa PNP Crime Registry Database.  At sinumang complainant ay bibigyan ng kopya ng kanyang reklamo kasama ang pangalan ng pulis na imbestigador para sa mga isasagawang follow-up dito. Lalagyan din ng 100 CCTV high resolution camera ang 38 crime-prone areas sa Metro Manila tulad ng mga jeepney terminals, wet and dry markets at mga busy intersections para bantayan ang mga kriminal araw-araw.  Sa susunod na taon, ipinagmamalaki ng PNP na bibili sila ng 1,021 patrol jeep, 5,771 firearms at 52,571 radio. Ngayong magiging kumpleto na ang kanilang gamit, may maayos na sweldo, pabahay at benepisyo, wala nang dahilan para hindi tukuyin at sibakin sa serbisyo agad-agad ang mga kotongero, kriminal, hulidap, droga at mga magsasaka at corrupt na mga pulis.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending