Ang kahambugan ni Binay

WALA nang dahilan si Chairman Sixto Brillantes ng Commission on Elections upang tutulan ang recall election sa Puerto Princesa City matapos iniutos ito ng Korte Suprema.

Dinadahilan kasi ni Brillantes na walang pondo ang Comelec upang magsagawa ng recall reelection sa lungsod.

Pero napag-alaman ng inyong lingkod na ang tunay na dahilan ay hindi kakulangan ng pondo, kundi ang pakiusap kay Brillantes ng isang mataas at maimpluwensiyang opisyal na huwag isagawa ang recall sa Puerto Princesa.

Ang maglalaban sa recall ay sina Mayor Lucilo Bayron at ang dating mayor na Edward Hagedorn.

Nagpetisyon ang mga residente ng Puerto sa Comelec ng recall election dahil diumano’y sa pagbagsak ng negosyo sa lungsod gawa ng inefficiency ni Bayron sa pamamahala ng siyudad.

Bumagsak ang negosyo sa lungsod dahil kakarampot lang ang pagdating ng mga turista. Ang Puerto Princesa ay isang tourist city at ang nagdedepende sa kita sa turismo.

Noong panahon ni Hagedorn, malaki ang kinikita ng siyudad sa mga turista dahil punong-puno ang mga hotels at negosyo na nagsisilbi sa mga local at foreign tourists.

Malaki ang ginagastos ng siyudad noong panahon ni Hagedorn sa tourism promotion kaya’t dinadagsa ang Puerto ng maraming turista.

Sa pamamahala ni Bayron, binibigyan niya ng diin ang pagsisilbi sa mga mahihirap (kuno) sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tulong pinansiyal.

Parang ginagaya ni Bayron si Vice President Jojo Binay na dating mayor ng Makati City na masyadong pagbibigay atensiyon sa mga mahihirap upang makuha ang kanila mga boto sa eleksiyon.

Si Bayron at Binay ay magka-brod sa Alpha Phi Omega fraternity.

May mga bali-balita na si Binay ang nakiusap kay Brillantes upang huwag isagawa ang recall sa Puerto kahit na pinetisyon ito ng mayorhiya ng mga residente.

Siguradong-sigurado si Vice President Jojo na mananalo siya sa 2016 election kahit na marami siyang kinakaharap ng mga kasong pangungurakot na lantad na sa publiko.

Sinabi niya sa mga boy scouts na magkikita sila sa Malakanyang pagtapos ng presidential election sa Mayo, 2016.

Masyadong hambug itong si Binay.

Si Binay ay president ng matagal na panahon ng Boy Scouts of the Philippines (BSP).

Dahil kay Binay, nakaladkad ang BSP sa iskandalo at nadungisan ang magandang pangalan nito.

Kung may kahihiyan ang mga ibang opisyal ng BSP, dapat ay hiningi nila kay Binay na magbitiw ito upang huwag nang madamay ang BSP sa iskandalo.

Huwag namang pakasisiguro si Binay na mapupunta siya sa Malakanyang.

Oo nga na siya’y mananalo kapag ang magiging kalaban niya sa 2016 ay si Interior Secretary Mar Roxas na “manok” ni Pangulong Noy.

Si Roxas ay mahinang kandidato pagka-Pangulo. Wala siyang koneksiyon sa masa.

Pero huwag ibandera ni Binay ang kanyang “sure win” dahil wala namang katiyakan sa mundong ito.

Kapag tumakbo si Davao City Mayor Rody Duterte, baka mawala ang kahambugan ni Binay.

Si Duterte ay nagpahayag na di siya interesado na tumakbo sa 2016 presidential election. Gusto lang niya na manatiling mayor ng Davao City .

Pero kung makumbinsi si Duterte na tumakbo tiyak na mananalo siya.

Ang mga taga Visayas at Mindanao ay boboto sa kanya. Marami rin siyang mga tagahanga sa Luzon .

Si Duterte ay tunay na maka-masa di gaya ni Binay na mapagkunwari lang.

Walang record si Duterte sa isyu ng graft and corruption di gaya ni Binay na pinuputakti ng mga akusasyon ng pangungurakot.

Sinasabi ni Duterte na wala siyang pera upang tustusan ang kanyang kampanya kapag siya’y tumakbo pero hindi problema ang pera.

Marami akong nakausap na mga negosyante na tutustusan ang kampanya ni Duterte kapag siya’y tumakbo.

Isang may-ari ng chain of supermarkets ang nagsabi sa akin na hindi siya naglagay ng kahit isang kosing sa mga taga Davao City Hall nang tinayo niya ang kanyang supermarket sa siyudad.

Kapag daw tumakbo si Duterte, siya at ang kanyang mga kasamahang malalaking negosyante magbibigay ng campaign fund.

READ NEXT
Be on guard
Read more...