ALGIERI GINULPI NI PACQUIAO

manny pacquiao

PINATOTOHANAN ni Manny Pacquiao na nanumbalik na ang dating mabangis na porma nang talunin si Chris Algieri sa pamamagitan ng unanimous decision para sa matagumpay na pagdepensa sa World Boxing Organziation (WBO) welterweight title kahapon sa Cotai Arena ng The Venetian Resorts sa Macau, China.

Hindi man naisakatuparan ng Pambansang Kamao ang pinuntirya na knockout panalo, tunay na dominado niya ang mas malaki at dating walang talong challenger nang anim na beses niyang pinahalik sa lona ito sa 12-round na laban.

Unang tumumba si Algieri sa ikalawang round bago nasundan pa ng dalawang paghalik sa lona sa ikaanim at ikasiyam na round bago tumumba sa huling pagkakataon sa ikasampung round.

Matibay nga lamang talaga ang 5-foot-10 na si Algieri pero malinaw sa mata ng mga huradong sina Levi Martinez, Patrick Morley at Michael Pernick na kontrolado ni Pacman ang sagupaan tungo sa 119-103, 119-103 at 120-102 iskor.

Maging ang CompuBox ay nagsabi na malayo sa kalidad ni Pacquiao si Algieri dahil ang natatanging multi-division world champion ay nagpatama ng 229 suntok sa 669 binitiwan kasama ang 187 power shots mula sa 410 pinakawalan.

Sa kabilang banda, si Algieri ay mayroon lamang 108 itinama sa 469 na binitiwan at may 80 power punches lamang ang kumunekta sa 212 na binira.

“He (Pacquiao) is a great fighter,” wika agad ni Algieri. “It’s not just his hand speed. He does everything well. I was never hurt, but he did catch me with a big shot.”

“I did my best. I was looking for a KO, but he was fast and was moving, so it was hard. I’m satisfied with my performance because I came to fight,” pahayag ni Pacquiao na iniangat ang ring record sa 57 panalo matapos ang 64 laban.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ni Pacquiao matapos ang dalawang dikit na kabiguan noong 2012 at ngayon na nakita uli ang dating galing sa ring ng Pambansang Kamao, kanyang binanggit ang pagnanais na makalaban na ang kasalukuyang pound-for-pound king na si Floyd Mayweather.

“I think it’s time to say something. I’m going to say the people deserve that fight (Mayweather). I think it’s time to make that fight happen,” wika ni Pacquiao.

Minsan nasabi ni Mayweather na maaaring mangyari ang mega fight sa susunod na taon pero kung ganito pa ang pananaw ng World Boxing Council (WBC) champion ay hindi malinaw matapos ang kagila-gilalas na panalo ni Pacman.

Read more...