Malaking tulong ang Primetime Bida teleserye ng ABS-CBN na Forevermore sa takbo ng turismo ngayon sa Baguio at Benguet.
Ayon sa report, bigla kasing naging tourist attraction ang ilang lugar doon kung saan kinukunan ang mga eksena sa serye nina Enrique Gil at Liza Soberano, partikular na ang isang mataas na lugar sa Tuba, Benguet kung saan nakatira ang karakter ni Liza kasama sina Joey Marquez, Irma Adlawan at marami pang iba.
Actually, nakapunta na kami doon nu’ng dalawin namin a few weeks ago ang taping ng Forevermore. Ito rin ‘yung lugar (strawberry farm) kung saan bumagsak si Alexander (Enrique) na naging daan para magkakilala sila ni Agnes (Liza).
Simula raw kasi nang sumikat ang lugar na Sitio La Presa sa Benguet dahil sa nasabing serye ay dumagsa na ang mga turista doon para makita ito nang personal.
Ayon pa sa ulat, kapag may mga dumarating doon na mga turista ang laging itinatanong ay kung saan ang Sitio La Presa at doon na lang nila malalaman na wala naman talagang ganoong lugar sa Tuba, Benguet.
Ang tunay na pangalan nito ay Sitio Pungayan pero mas kilala na nga ito bilang La Presa dahil sa Forevermore. Mismong ang mga taga-City Tourism council na ng Baguio at Benguet ang nagsasabi na malaking tulong para sa kanilang lugar ang Forevermore dahil iniaangat nito ang turismo roon bukod pa sa pagpapalaganap ng napakagandang kultura ng mga tao roon.
Siyempre, tuwang-tuwa sina Liza at Enrique sa development na ito dahil hindi lang sila nakakapagbigay saya sa mga manonood kundi naipo-promote pa nila ang turismo sa bansa.
Napapanood pa rin ang Forevermore gabi-gabi sa Primetime Bida ng ABS-CBN sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina. Kasama rin dito sina Zoren Legaspi, Lilet, Marissa Delgado at marami pang iba.