NAGKALAT sila ngayong Semana Santa, ang mga mangangaral.
Walang kagatul-gatol ang pananalita, di nabubulol; tuwid na pagbigkas at tila walang sablay sa pagbanggit ng mga numero ng bersikulo at kapitulo.
Sa kanilang pananalita ay nakatitiyak sila na sila lamang ang maliligtas at marami ang masisilaban sa apoy.
Sa hagupit ng kanilang dila ay malulupit ang mga makasalanan, at sila’y hindi.
Sa kanilang pangaral, Ebanghelyo man o napadaang mga talata sa Bibliya na lalagyan ng tuwirang patungkol sa Bibliya, ang nakararami ang nakalimot sa Diyos at sila’y hindi.
Sa kanilang turan sa kawan, sila ang malinis at ang balana ang marumi.Kawawa naman ang nakararami.
Parating sila ang nasisisi dahil sila ang makasalanan.
Ito’y makalumang paggabay sa mga nananampalataya at naniniwala na may Diyos.
Ito ang panuntunan noong panahon ng mga Kastila kaya nabulid sa pagkapariwaraan sina Sisa, Crispin at Basilio; hanggang na ginamit ng isang anak ang sarling pag-iisip para bumangon at makita ang tunay na buhay.
Ang mga maling turo ng mga mangangaral ang siyang dahilan para lisanin ng napakaraming mananampalataya’t kaanib sa relihiyon ang kanilang mga simbahan sa Amerika.
Bagaman lumisan sa simbahan ay naniniwala pa rin ang mga mananampalataya sa Diyos, na may Diyos, at di umaalis ang Diyos sa piling nila.
Sobra na at nagsawa na ang mga mananampalataya sa maling pakahulugan ng mga Banal na Salita ng mga mangangaral.
Ang paglisan ng mga mananampalataya ay pinatunayan mismo ng PEW survey. Una rito ay marami ang di na bumalik sa simbahan nang masangkot ang mga pari’t obispo sa mga kasong sekswal.
Sa madaling salita ay buking na ang mga di tunay na mangangaral.
Madaling banggitin ang pagsisisi, pero walang makapagpapatunay nito.
Madaling sabihing sundin ang mga utos ni Hesukristo, pero paano kung ang mangangaral ang hindi sumusunod.
Madaling sabihin na kailangang paalalahanan ang nakalimot na kawan, pero paano kung sila ang ayaw umalala sa utos?
Ayon kay Sen. Miriam Defensor Santiago, relihiyosa siya.
At sinong magdududa sa napakagaling na abogada dahil meron siyang patunay na nakapagtapos siya sa pag-aaral ng theology?
Noong bata pa siya ay binasa na niya ang Bibliya, noong panahon na ipinagbawal ito ng mga pari dahil baka raw magkamali sa pang-unawa ang kawan na nagbabasa; at sila’y di maaaring magkamali sa pagpapaliwang ng nilalaman ng Banal na Kasulatan.
Kaya’t para kay Mrs. Santiago, itutulak niya sa bangin ang magsasabing mas naunawaan niya ang Diyos kesa sa lahat.