Magiging D.H. ba sa abroad? (2)

Sulat mula kay Ningning ng Sitio Dacudao,  Agdao, Davao City
Problema:
1. Iniwan ako ng kinakasama kong lalaki at tuluyan na siya sumama sa ibang babae kaya sa ngayon ay mag-isa na lang akong bumubuhay sa dalawa naming anak. Para makaraos ay naglalabada ako at nagtitinda ng kung anu-anong puwede kong itinda. Wala akong puhunan kaya maliit lang ang kinikita ko, at kung minsan ay wala pa – gutom ang aking mga anak kaya napipilitan naman silang mangalakal. Sa ngayon ay balak kong mag-D.H. sa abroad. Nang umuwi ang kumare ko na D.H. sa Dubai ay sinabihan ako na naghahanap daw ang kanyang amo ng makakasama niya at ako raw ang irerekomenda niya.
2.      Tanong ko lang sana ay kung may pag-asa kaya akong maging D.H. sa abroad. Nakatapos naman ako ng high school. Gusto ko sanang umalis para mapag-aral ko ang aking dalawang anak at mabigyan ko sila ng magandang kinabukasan. August 28, 1986 ang birthday ko.
Umaasa,
Ningning ng Davao City  
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Virgo (Illustration 2.) ang nagsasabing kung ang kaibigan o kumare mong babae na tutulong sa iyo upang makapag-D.H. sa Dubai ay isang Taurus, tiyak ang magaganap. Sa suporta niya, walang gastos na makapag-aabroad ka.
Numerology:
Ang birth date mong 28 ay nagsasabing lagi kang magsuot ng kulay na dilaw at gray, puwede rin ang silver at kulay na puti. Sa ganyang paraan, sa darating na 20015 sa edad mong 28 pataas, ay may isang mabunga at mabiyayang pag-aabroad na magaganap sa iyong kapalaran.
Graphology:
Bago ka mag-aplay at mag-ayos ng mga papeles, ang unang ayusin mo muna ay ang paraan ng pagpirma. Ibig sabihin, pagandahin mo ang iyong lagda sa pamamagitan ng pagpapalaki sa mga letra at salita at pagkatapos at tapusin mo ang iyong pirma sa pataas na stroke na malilikha ng buntot o pinakapaa ng “letrang a.” Sa ganyang paraan sa pataas na stroke na nagtapos ang iyong lagda, uunlad at makapag-aabroad ka.
Huling payo at paalala:
Ningning, ayon sa iyong kapalaran, habang may tumutulong sa iyo na kumare o isang kaibigan upang ikaw ay makapangibang bansa ay samantalahin mo ang pagkakataon. Sa panahong ito ng iyong buhay, ito na ang isa sa pinakamapalad. Kaya nga sa malapit na hinaharap, mga limang buwan mula ngayon, sa Abril o kaya’y sa buwan ng Mayo, may isang mabunga at mabiyayang pagdi-D.H. sa Dubai na itatala sa iyong kapalaran.

Read more...